Nasamsam ng Bureau of Customs (BoC) ang P21 milyong halaga ng imported used clothing, na mas kilala bilang ukay-ukay, na ipinuslit sa Manila International Container Port (MICP) noong nakaraang taon.
Kinumpiska ng awtoridad ang limang container van mula Inchon, Korea na naglalaman ng malaking bulto ng ukay-ukay na ideneklarang mga kumot (290 package) habang ang tatlong shipment ay naglalaman ng mga kumot, sombrero at bed sheet.
Dumating ang mga shipment simula Oktubre hanggang Nobyembre 2014 bago na diskubre sa isinagawang spot inspection ng mga tauhan ng Enforcement and Security Service (ESS) ng BoC.
Ayon sa isang opisyal na kalatas ng Customs, naka-consign ang apat na container sa PJK Expresser Door-to-Door Corp., na may pekeng address sa SEC Bldg., EDSA, Greenhills, Mandaluyong.
“The other container van was consigned to Arnel U. Figuerra of 501 East Tower PSC Center Exchange Rd., Ortigas, Pasig. Upon investigation, operatives discovered that PJK Expresser does not hold office at the given address while Arnel Figuerra is not connected with the business establishment actually occupying the address given in Ortigas,” ayon sa isang Customs official.
Ayon sa BoC, nakatanggap sila ng impormasyon na magpupuslit ng malaking bulto ng ukay-ukay kaya agad na inalerto ang mga tauhan ng BoC Enforcement Group. - Jenny F. Manongdo