Nakatanggap din umano ng kickback ang ilang opisyal ng Philippine Navy sa tinaguriang pork barrel fund scam queen na si Janet Lim Napoles halos isang dekada na ang nakararaan, ayon kay Merlina Suñas, isa sa mga whistleblower sa kontrobersiya.

Sa pagdinig ng Sandiganbayan Third Division sa petisyon na na inihain ni Napoles upang makapagpiyansa, sinabi ni Suñas na siya mismo ay nabiyayaan ng bahagi sa komisyon na ipinamudmod ng negosyante sa mga opisyal ng Navy.

Lumitaw sa pagdinig na si Suñas ay dating civilian employee ng isang naval construction unit bago siya nagtrabaho kay Napoles noong 2002.

Ayon pa sa whistleblower, nakikipagtransaksiyon si Napoles sa Navy bilang isang supplier noong mga panahong iyon.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nang tanungin ni Associate Justice Samuel Martirez kung bakit sumusunod siya sa utos ni Napoles bagamat siya ay empleyado ng Philippine Navy, inamin ng testigo na nabibiyayaan din siya ng mga nakulimbat ng negosyante bagamat hindi siya humihingi ng komisyon.

“Papagalitan at mumurahin niya ako,” tugon ni Suñas sa korte, hinggil sa ilang ulit niyang tinangkang suwain ang utos ni Napoles.

“At my age, mahirap maghanap ng trabaho for my family,” dagdag niya.

Matatandaan na noong 2010, pinawalang-sala ng noo’y Sandiganbayan Fourth Division Chairman Associate Justice Gregory Ong si Napoles sa kasong graft dahil sa umano’y maanomalyang pagbili ng P3.8 milyong halaga ng Kevlar helmet para sa Philippine Marines na hindi nai-deliver sa hukbo noong 1999.

Kinalaunan, si Ong ay sinibak ng Kotre Suprema dahil sa kanyang pagkakaibigan kay Napoles. - Jeffrey G. Damicog