Sa isang tiangge, nakakita ako ng isang flower vase na gawa ng isang magpapalayok na taga-Calamba. Maituturing na obra maestra ang vase na nakita ko sapagkat napakaganda ng disenyo. Naisip ko na magiging maganda lamang ang vase na iyon kung malambot at madaling hubugin ang luad.

Nakagawa ka na ba ng ano mang bagay mula sa luad o clay? Nakakita ka na ba ng isang magpapalayok na gumagawa ng kanyang mga produkto sa isang umiikot na bilugang mesita? Pinaiikot ng magpapalayok ang isang tipak ng luad, pinipindot niya iyon, pinipiga, binubuo sa kung saan-saang bahagi nito ang hanggang mahubog niya ang kanyang obra maestra o isang kapaki-pakinabang na sisidlan o mangkok.

Sa Mabuting Aklat, inilalarawan ng Diyos ang Kanyang sarili bilang isang magpapalayok na humuhubog sa ating buhay kung saan maaari Siyang magbuhos ng sarili Niyang kaluwalhatian. Tayo ay nasa mga kamay ng Diyos ngayon, hinuhubog at binubo, tulad ng ginagawa ng karaniwang magpapalayok sa luad. At nasa ating pagpapasya kung paano tayo tutugon sa paghawak Niya sa atin. Maaari nating labanan ang paghuhubog sa atin sa pamamagitan ng rebelyon at pagkapoot na nagpapatigas sa atin at mahirap pihitin. O maaari rin naman tayong maging malambot at madaling mahubog, bukas sa kung anong naisin ng Diyos na gawin sa ating buhay.

Hinuhubog at binubuo ka ng Diyos ayon sa Kanyang mga layunin. At hindi pa Siya tapos sa iyo. Ang paghuhubog sa iyo ay tuluy-tuloy at nais ng Diyos na perpektuhin ka bilang Kanyang obra maestra. Gusto Niyang pakinisin ang ilang bahagi ng iyong karakter at magkaroon ng puwang upang lumago. Nais Niyang muling idisenyo ang iyong espirituwalidad, ang muling iorganisa ang iyong mga prioridad, bigyan ng bagong direksiyon ang tabas ng iyong dila, at tuwirin ang takbo ng iyong pag-iisip. Nakahanda Siyang gumawa ng mas magandang ikaw. At kapag malambot ka at payag magpahawak sa Kanya, mas maganda at maginhawa ang iyong buhay.
National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists