CLEVELAND (AP)– Umiskor si LeBron James ng season-high na 42 puntos patungo sa 110-99 pagtalo ng Cleveland Cavaliers sa Golden State Warriors kahapon para sa kanilang ika-18 panalo sa 20 mga laro.
Nagdagdag din si James ng 11 rebounds, naungusan ang kapwa MVP candidate na si Stephen Curry at pinangunahan ang Cleveland sa pagpigil sa koponan na tangan ang pinakamagandang rekord sa NBA ngayon para sa ika-11 sunod na home victory.
Ipinagpag naman ni James ang anumang usapin na ang kanyang naging performance ang magbibigay sa kanya ng mas malaking bentahe para sa karera ng pagiging MVP.
‘’That’s not why I’m here,’’ aniya. ‘’I’ve got to be the MVP for these guys, the 14 guys in the locker room. When I’m on the floor I’ll try to do everything I can to help this team win.’’
Ngunit nakakuha ng kaunting masamang balita ang Cavaliers. Ang All-Star guard na si Kyrie Irving, na gumawa ng 24 puntos, ay na-injure ang kanyang kaliwang balikat at hindi nagbiyahe kasama ang koponan sa Indiana para sa game ngayon. Ayon sa isang tagapagsalita ng koponan, si Iriving ay sasailalim sa isang MRI at malabong makapaglaro kontra sa Pacers.
Inilabas si Irving sa third quarter ng laro at nagbalik sa locker room, ngunit nagbalik sa pag-uumpisa ng huling yugto.
Umiskor si Curry ng 18 puntos, ngunit nagkasya lamang sa anim matapos ang first quarter at 5-of-17 mula sa field.
“I hope it’s not handed out on this one game,’’ sabi ni Curry tungkol sa mga usapin tungkol sa MVP award. ‘’I hope it’s about the body of work. Tonight just wasn’t my best game. Shots that I normally make didn’t fall tonight.’’
Nanguna si David Lee para sa Golden State (44-11) sa kanyang 19 puntos.
Kinuha ng Cleveland, tangan ang 61-56 na abante sa halftime, ang kontrol sa third quarter. Umiskor si James ng 12 puntos, kabilang ang dalawang 3-pointers, at nakita si Timofey Mozgov para sa isang open jumper upang itulak ang kalamangan sa 86-70.
‘’We’re not going to win every game,’’ sabi ni Warriors coach Steve Kerr. ‘’This is the NBA. I don’t look at this like a plague or anything. It’s just part of the grind of the season.’’
Nagdagdag si Green ng 16 puntos para sa Golden State, ngunit si Klay Thompson ay nagkasya sa 13 sa kanyang 5-of-13 shooting mula sa field.
Ang center na si Kendrick Perkins, pinapirma ng Cleveland noong Martes, ay pumasok sa laro sa kalagitnaan ng second quarter at nakatanggap ng malakas na ovation sa kanyang home debut. Siya ay nagkamit ng dalawang fouls sa huling 2:13 bago inilabas.