Ikalawang araw pa lamang ng kompetisyon ay abot-kamay na ng Season host Jose Rizal University (JRU) ang asam na 5-peat makaraang ipamalas ang kanilang lakas sa pangunguna ng shoo-in MVP na si Mark Harry Diones sa NCAA Season 90 track and field championships sa Philsports Complex sa Pasig City.

Matapos angkinin ang kanyang unang gold medal sa long jump sa opening, dalawang gold medal pa ang kinopo ng 22-anyos at graduating Criminology student na si Diones nang mangibabaw sa men’s 400 meters at triple jump.

Tinapos ng Libmanan, Camarines Sur native at may taas na 5-foot-11 na si Diones ang 400 meter dash sa tiyempong 49.38 segundo para makamit ang ikalawang gold.

Tinalo niya sina Francis Medina ng Perpetual Help at kakampi niyang si Raymund Alferos na naorasan ng 49.76 at 49.84, ayon sa pagkakasunod.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ang ikatlong gold ni Diones ay nakamit nito sa paboritong event na triple jump makaraang makatalon ng 15.92 meters kung saan nito tinalo ang Lyceum bets na sina Ronne Malipay at Jolo Bermudo na tumalon ng 15.39 at 15.32 meters, ayon sa pagkakasunod.

Bukod kay Diones nagwagi rin kahapon para sa JRU sina Dave Albarico sa javelin throw (61.16m) kung saan ay tinalo niya ang kapwa Heavy Bomber na si John Albert Mantua at Alvin Castanares sa 800 meters run (2:55:24).

Nakasingit naman si Immuel Camino ng Arellano na nagwagi sa 5000 meters run sa tiyempong 15:23:68 kung saan binigo niya ang mga JRU long distance runners na sina Albert Valencia (15:32:52) at Rudyfer Hernadez (15:48:78).

Samantala, nalusutan ni John Albert Mantua ang matinding hamon mula sa kanyang mga katunggali upang muling kubrahin ang gold medal sa men’s discuss throw.

Bumawi si Mantua sa unang foul throw at ibinato ang discuss plate sa layong 39.94 meters upang ibigay ang ikalawang gold medal sa field events ng JRU at maungusan ang naunang best throw ni Carlo Caong ng St. Benilde na 39.24 meters.

Pumangatlo naman sa kanila si San Sebastian thrower Aries Camporedondo na naghagis ng layong 38.11 meters.

Napanatili rin ni Anfernee Lopena ng College of St. Benilde (CSB) ang titulo bilang ‘meet’s fastest man’ nang muling manguna sa seniors century dash.

Naorasan ang national pool member ng 10.83 segundo para maangkin ang gold medal matapos umagwat sa huling sampung metro kontra sa pinakamahigpit na katunggali na si dating Palarong Pambansa golden sprinter Jomar Udtohan na kumakatawan na ngayon sa San Sebastian College (SSC).

Naorasan si Udtohan ng eksaktong 11 segundo para makopo ang silver at ungusan ang isa pang St. Benilde bet na si Daniel Noval na naorasan ng 11.4 segundo para sa bronze medal.

Kumuha naman ng eksena mula sa defending juniors champion Brigadiers si San Beda College (SBC)-Taytay sprinter Ezra Gonzales nang angkinin nito ang titulo bilang ‘fastest boy’ sa kompetisyon makaraang manguna sa 100 meter dash sa tiyempong 11.35 segundo.

Pumangalawa sa kanya para sa silver si Christian Philip Cabral ng Lyceum-Cavite na naorasan ng 11.51 segundo habang pumangatlo naman para sa bronze si Jieboy Poderoso sa tiyempong 11.78 segundo.

Naibigay naman ni Junel Gobotia ang ikatlong gold medal ng Brigadiers matapos manguna sa juniors 2,000 meter steeplechase sa oras na 6:23:42.

Sumegunda naman sa kanya si Ronil Oranda ng JRU na naorasan ng 6:30:62 at sumunod si Vincent Nabong ng San Sebastian College (SSC) na tumapos sa tiyempong 6:34:59.