LONDON/WASHINGTON (Reuters) – Nakilala na ang taong nakamaskara ng itim na tela na binansagang “Jihadi John” at napapanood sa mga video habang pinupugutan ang mga dayuhang bihag bilang si Mohammed Emwazi, isang British na nakapagtapos ng computer programming at nagmula sa isang may kayang pamilya sa London.
Ang militanteng natatakpan ng itim na tela ang mukha habang may hawak na kutsilyo ang napanood sa mga video na inilabas ng Islamic State sa pagpugot sa mga bihag, kabilang ang ilang Amerikano, Briton at Syrian.
Ginagamit ng 26-anyos na militante ang mga video upang bantaan ang West, balaan ang mga kaalyadong Arab, at inisin sina US President Barack Obama at British Prime Minister David Cameron.