Dalawang madamdamin at makahulugang okasyon ang ating ipinagdiriwang ngayong buwan ng Pebrero: Ang Valentine’s Day at ang mismong Heart Month. Ang una ay hinggil sa araw ng mga puso ng magkakasintahan at magkakaibigan at ng buong pamilya na nagmamahalan at nagkakaunawaan; samantalang ang huli ay tungkol sa ating kalusugan – sa sakit sa puso.

Sa mga katulad kong may problema sa puso, tulad ng hypertension, ang Heart Month ay nagpapaalala na tayo ay mag-ingat upang hindi lumubha ang ating karamdaman. Kailangang sundin ang mga tagubilin ng mga doktor at iba pang health authorities na ibinibigay sa paglabas natin sa ospital.

Nais kong ibahagi ang makatuturang tagubilin ng aking cardiologist at neurologist nang ako ay isugod sa ospital noong 2002 dahil sa mild stroke. Halos walang may alam nang ako ay ipasok sa intensive care unit (ICU). Salamat sa Panginoon at sa mga manggagamot at ako’y hindi tuluyang nawalan ng malay sa loob ng tinataguriang silid ng kamatayan. (Bukod pa rito ang isa pang panganib sa aking kalusugan nang ako ay isinugod kamakailan sa ospital dahil sa profuse stomach bleeding).

Kabilang sa mga tagubilin na kailangan nating ikintal sa isipan ang pag-iwas sa risk factors na kaakibat ng cardiovascular disease (CVD). Kabilang dito ang high blood pressure, raised cholesterol and glucose levels, tobacco use, unhealthy diet, obesity, physical inactivity, at ang pag-inom ng alak.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Bahagi rin ng mga tagubilin na ipinabaon sa akin ng hospital ang pag-iwas sa maaalat na pagkain tulad ng ham, sausages, lamang-loob at mga pagkaing de-lata. Sa halip, kumain na lamang tayo ng mga gulay, prutas, at isda.

Malaking bagay ang ehersisyo upang maging malusog at lumakas ang ating puso. Sapat na ang 30 minutong paglalakad araw-araw. Lagi nating isa-isip na ang CVD ang pangunahing dahilan ng kamatayan sa buong daigdig. Ingatan at alagaan ang ating puso. Gunitain ang Heart Month sa lahat ng sandali.