Kahit ano’y gagawin nila upang ako’y mapigilang tumakbo sa 2016.

Ito ang naging sentimiyento ni Vice President Jejomar C. Binay bilang reaksiyon sa mga ulat na naghain ng petisyon ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa Court of Appeals (CA) upang mabigyan ng kapangyarihang bulatlatin ang bank account ng kanyang pamilya.

“Buong-buo talaga ang plano ng paninira o kaya ay plano na hindi ako makapagkandidato,” pahayag ni Binay sa panayam sa kanyang pagdalo sa Conference on Public Space and the New Urban Agenda sa Pasay City kahapon.

Sinabi ni Binay na hindi na siya nasorpresa nang ilabas ng AMLC sa media ang kanyang mga kaso na sana, aniya’y, nananatiling confidential matapos isumite ang dokumento sa CA.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Ayon sa presidential survey frontrunner, ito ay patunay lamang na desidido ang kanyang mga kalban sa pulitika na siya ay siraan sa mata ng publiko.

“Kung anuman ang maging order ng AMLC susundin natin,” tiniyak ni Binay.

Ikinalungkot din ng VP ang pagbubuhay sa kasong katiwalian laban sa kanyang maybahay, na si dating Makati Mayor Elenita Binay, na una na umanong binasura ng korte.

“Kung saan-saan nanggagaling ‘yung paninira sa amin, imbestigasyon, na at the end of the day makikita mo naman ang pangunahing dahilan ay siraan ka perception lang, hindi naman siraan ka na maku-convict ka,” saad ni Binay.

Ang petisyon ng AMLC sa CA ay iniulat na inihain nitong nakaraang linggo. - JC Bello Ruiz