BARNACHEA-PIX-copy-445x500

BAGUIO CITY– Itinala ni Ronald Oranza ng Philippine Navy ang ikalawang lap victory matapos na pamunuan ang Stage 8 Criterium sa pagtatapos ng Ronda Pilipinas 2015 na inihatid ng LBC dito sa Burnham Park.

Kumawala sa huling 200 metro ang tinanghal na Stage 3 winner na si Oranza upang iposte ang 1 oras, 41 minuto at 32 segundo. Pumangalawa sina Dominic Perez at Junrey Navarra na sabay na dumating sa finish line kung saan ay naorasan sila ng 1:41:35.

Gayunman, nabigo si Oranza na makatapyas ng oras para maagaw ang second overall na napanatili ng Stage 1 winner na si George Oconer ng PSC-PhilCycling Development Team.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Tinanghal na overall champion si Santy Barnachea ng Philippine Navy na nakapagtala ng kabuuang 24:02:44 oras habang pumangalawa si Oconer (20:09:41`) at ikatlo si Jan Paul Morales na may kabuuang 24:10:22 oras.

Ikinasa ni Barnachea ang kasaysayan matapos na sungkitin ang kanyang ikalawang korona sa pinakamayaman at pinakamalaking bikathon sa bansa habang pinamunuan ang limang iba pa niyang kasamahan sa koponan na umokupa sa Top 10 sa overall general classification.

Maliban kay Barnachea na nagwagi noong 2011 Ronda Pilipinas, gayundin sa 2006 Padyak Pinoy at 2002 Tour of Calabarzon, inokupahan din nina Lloyd Lucien Reynante (5th), El Joshua Carino (9th place) at Jhon Mark Camingao (10th) ang puwesto sa Top 10.

Samantala, ipinamalas muna ng sprinter na si Jan Paul Morales ng Philippine Navy ang kanyang abilidad sa akyatin kahapon ng umaga upang angkinin ang 8.8km Stage Seven Individual Time Trial sa unang pagkakataon kung saan ay tinahak nila ang pinakamatarik na ruta na nagsimula sa ibaba at nagtapos sa tinaguriang “Radar” o Santo Tomas Mountain Top.

Itinala ng 29-anyos na miyembro rin ng national cycling team na si Morales ang kabuuang 28 minuto at 32 segundo upang pasikipin ang labanan sa ikalawang puwesto patungo sa huling yugto na isinagawa rin kahapon kung saan ang overall leadership ay tuluyan nang sinungkit ng kakampi nitong si Santy Barnachea.

“Malayo na po si Santy (Barnachea) pero pinilit ko po na maitala ang pinakamaganda kong oras dito sa ITT kasi kinailangan namin sa national team,” sinabi ni Morales, na halos awtomatikong nakuwalipika sa 2016 Rio de Janiero kung hindi lamang nagkasya sa medalyang pilak sa nakaraang Olympic qualifying sa Thailand.

Matatandaan na pinutol ni Morales ang 14-na taong pagkakauhaw ng Pilipinas sa ginanap na 35th Asian Cycling Championships matapos pumangalawa sa scratch race final na ginanap sa Nakhon Ratchasima, Thailand at napalakas ang tsansang makuwalipika sa delegasyon ng bansa na sasabak sa 28th SEA Games.

Pumangalawa sa yugto si Junrey Navarra ng PSC-PhilCycling sa itinalang 28.46 segundo habang nasa top 5 sina Roel Quitoy ng Team Negros (29.31), Ronald Oranza ng Navy (29.32) at George Oconer (29.33). Tumapos sa ikawalong puwesto si Barnachea na may 20 segundo napag-iwanan sa yugto.

Nagmistula na lamang na victory ride ang Stage 8 na 60km Criterium race para kay Barnachea na iuuwi ang kanyang pangkalahatang ikatlong titulo bilang Tour champion matapos magwagi bilang unang kampeon noong 2011 Ronda Pilipinas at Tour of Tayabas.

Gayunman, humigpit ang labanan sa ikalawa hanggang ika-10 puwesto sa overall kung saan ay nakuha ni Morales na nasa ikatlong puwesto na mailapit sa 31 segundo ang hinahabol kontra sa nasa ikalawang si Oconer. Magkakalapit din ang agwat sa pagitan ng ikaapat hanggang ika-10.

Maaari pang agawin ni Morales ang ikalawang puwesto na may P500,000 premyong nakataya kontra kay Oconer sa Stage 8 Criterium race na suportado ng major sponsors na Manny V. Pangilinan Sports Foundation, Petron at Mitsubishi at maging ng minor sponsors na Cannondale, Standard Insurance, Tech1Corp., Maynilad at NLEX. Ang karera ay may basbas ng PhilCycling sa pamumuno ni Cavite Congressman Abraham “Bambol” Tolentino kung saan ang TV5 at Sports Radio ang tumayong media partners..

Samantala, tuluyang inangkin ni Navarra ang kanyang ikatlong sunod na korona bilang King of the Mountain. Ikalawa si Jonipher “Baler” Ravina at Boots Ryan Cayubit na dito ay ibubulsa ng nagkampeon ang P30,000 premyo habang P20,000 sa ikalawa at 10,000 sa ikatlo.

Napasakamay din ni Morales ang titulo sa Intermediate Sprint King sa natipong 86 puntos. Ikalawa si Oconer (51 puntos) at Rustom Lim (48 puntos). Tatanggap ang kampeon ng P30,000 habang P20,000 sa ikalawa at 10,000 sa ikatlo.

Ang Best Under 23 ay napunta kay John Mark Camingao ng Philippine Navy habang nakasunod sina El Joshua Carino at Lim na may nakatayang P30,000 premyo sa kampeon habang P20,000 sa ikalawa at 10,000 sa ikatlo.

Nagwagi naman si Jay Lampawog ng 7-11 ByRoadbike Philippines kontra kina Daniel Vien Carino at Gilbert Enarciso sa Best Junior rider upang iuwi ang P30,000 premyo habang P20,000 sa ikalawa at 10,000 sa ikatlo.