‘NAGKAKAPE ka ba?’
Ito ang bungad namin kay Alex Gonzaga pagkatapos ng Q and A sa presscon ng The Unexpected Concert na gaganapin sa Smart Araneta Coliseum sa Abril 25 produced ng CCA at MGM Productions. “Hindi, Ate Reggee, bakit?” Seryosong sagot ng dalaga.
Kaya pala wala kang nerbyos kasi sa Araneta ka magko-concert, sabi namin.
“Ha-ha-ha, ikaw talaga, Ate Reggee, inaaway mo ako, wala kang bilib sa akin?” balik-tanong ni Alex.
Bilib kami kay Alex dahil ang galinggaling niyang lumusot kapag may sablay siyang sagot, hindi halata at nakakatuwa. Ang bilis mag-isip ng bunsong anak nina Daddy Carlito at Mommy Pinty Gonzaga. Wala kaming kuwestiyon sa kanya pagdating sa hosting at acting dahil nakita na namin ang kakayahan niya, sa singing na lang, kaya gusto namin siyang mapanood sa sinasabi niyang concept ng concert na, “Basta, expect the unexpected.”
Hindi ba siya nagdalawang-isip na tanggapin ang offer na mag-Araneta na alam naman ng lahat na ultimate dream ng ating concert artists? Hindi man lang siya dumaan sa maliliit na venue tulad sa first venue ng Ate Toni niya sa first major concert niya sa Aliw Theater noong 2008.
“Opo, ilang beses po ako nag-mga, mga twice, but since maganda naman ‘yung alok at yung faith na ibinigay sa akin ni Joed (Serrano, producer niya) at na-convince na rin naman ako, everyday naman nagpi-pray ako kay Lord and, so whatever happens sabi ko bahala na sa lahat ng mangyayari.
“Eh, nangyari naman lahat, pati daddy ko, na-convince, so nagpray ako at sabi ko, ‘Lord, kung hindi po ito meant, stop n’yo po at okay lang naman sa akin, sa amin,’ eh, so far po, tuluy-tuloy naman po. So, yes, I’m positive naman po na it’s a blessing from God at nagpapasalamat po ako, dumating si Kuya Joed,” pagtatapat ni Alex.
Ayaw pang banggitin ng dalaga kung anu-ano ang mga kakantahin niya dahil secret daw at ayaw din niyang sabihin kung sinu-sino ang mga guest, pero sinigurado niyang darating Ate Toni niya.
“Kasi dapat nandoon siya kasi parte siya ng career ko, kung hindi dahil sa kanya, wala ako. So, it’s a must na nandoon si Ate,” sabi ni Alex.
Wala pa siyang masyadong paghahandang ginagawa maliban sa nanonood ng mga video ng concerts ng kilalang foreign singers tulad nina Beyonce, Mariah Carey, Celine Dion at iba pa.
Sinisita nga raw siya ng Ate Toni niya, “Kasi dumating siya nakahilata ako sa kama, sabi niya, ‘ano, wala ka bang paghahanda, parang hindi ka magko-concert? Hindi ka man lang mag-exercise, mag-swimming, magtreadmill?’ Kasi nga po kailangan ko talagang gawin for my energy. Sabi ko sa ate ko, magswi-swimming at 2 AM? Puwedeng bukas na? Kaya kinabukasan po, nag swimming ako, nag-treadmill ako, sinunod ko naman po siya.”
Hindi na natatakot si Alex na baka may mag-bash sa kanya dahil sa lakas ng loob niyang mag-Big Dome.
“Alam n’yo po, lahat naman ng gagawin natin, may magki- criticize sa ‘yo, so parang ano na lang, just let the bashers be bashful, parang mahiya na rin sila. Hindi ko na lang iniisip ‘yun, kasi kung may magba-bash, at i-check mo naman kung ilan ‘yung nagmamamahal at sumusuporta sa ‘yo, eh, mas marami naman pala, sobrang dami. Parang OA na nga kung maapektuhan ka pa,” katwiran ng dalaga.
Ano ang genre ni Alex pagdating sa music?
“Siyempre nu’ng bata, gusto mo ‘yung matataas, ginagaya ko ate ko, ‘yung mga kinakanta niyang Whitney Houston, pero ako, mas enjoy talaga ako sa mga kanta ni Ella May Saison, Taylor Swifts, Spice Girls, hindi masyadong birit, hindi diva-diva,” say ng dalaga.
Curious din kami sa bagong ipapakita ni Alex sa opening number ng concert niya dahil dueto pa sila ni Joed Serrano na, “Wala pang nakakagawa o hindi pa ito nagawa sa local concert scene.”
Ibig sabihin sa rami ng magagaling nating singers na nag-show na ay ni isa sa kanila ay wala pang nakagawa? Bongga, ano ito nakasakay sa eroplano o chopper si Alex sabay talon?
Kasi halos lahat ay nakagamit na ng harness at ang hinding-hindi namin malilimutan ay ang R2K concert ni Regine Velasquez at ‘yung Unkabogable concert series ni Vice Ganda.
Ayaw namang banggitin ni Joed kung ano itong opening number ni Alex na ang dalaga raw mismo ang nag-suggest at naisip din ng una na hindi ba delikado? Pero sige, why not?’