Sinuportahan ng Philippine Sports Commission (PSC), sa ilalim ng programang Sports for All, Women In Sports, ang isang natatanging liga para sa mga ina na Tanging Ina Basketball League na gaganapin sa Barangay Salawag sa Dasmarinas, Cavite.
Kabuuang 25 koponan mula sa iba’t ibang subdibisyon sa Salawag ang sasabak sa liga na tatampukan ng mga nanay na nahihilig sa larong basketball. Pag-aagawan nila ang unang korona ng kakaibang torneo na suportado ni PSC Commissioner Gillian Akiko Thomson Guevarra.
“We wanted all women, especially our nanay to be involved in sports and physical activities for them to have a healthy condition and be away from any kind of sickness,” sinabi ni PSC Games chief Atty. Jay Alano.
Sisimulan ang torneo, sa pakikipagtulungan ni Salawag Barangay Chairman Eric Paredes, sa Abril kung saan ay isasagawa ang mga laro sa iba’t ibang kasaling subdibisyon upang mahimok ang mga nanay at iba pang kababaihan na magpartisipa sa sports.
“Alam naman natin na ang mga nanay ay lagi na lamang nasasabak sa gawaing bahay at hindi na nila naaasikaso ang kanilang pisikal na kondisyon kung kaya ini-encourage natin ang mga ganitong aktibidad para mabigyan natin sila kahit kaunting pagpapakondisyon na maalagaan ang kanilang kalusugan,” giit ni Alano.
Target din ng PSC na mapalaganap ang torneo sa iba’t ibang lugar sa bansa upang palawakin ang health awareness sa mga kababaihan at maitaguyod ang grassroots development at community program na makadidiskubre ng talento sa mga kabataang kababaihan.