BAGUIO CITY– Pinatunayan ni Junrey Navarra ng PSC/PhilCycling Development Team sa ikatlong sunod na taon ang paghahari sa kinatatakutang Naguilian Road matapos na mag-isang tawirin ang 152 km Stage 6 ng Ronda Pilipinas 2015 na inihahatid ng LBC na nagsimula sa Dagupan City Hall at nagtapos sa dinarayong Burnham Park.
Muling ginamit ng 23-anyos na mula South Cotabato ang kanyang tatag sa bulubundukin ng Sierra Madre at Cordillera matapos itong kumawala sa Agoo, La Union upang mag-isang tahakin ang matarik na akyatin sa naitalang 4 oras, 16 minuto at 22 segundo.
“Paborito ko po kasing lugar ang Baguio at madalas din po ako dito nag-eensayo,” sinabi ng minsan nang naging two-time stage winner sa Tour of Borneo na hinablot din ang King of the Mountain sa ikatlong sunod na taon rin sa pagwawagi sa kinukonsiderang pinakakrusyal na ruta at pinakamalaki at pinakamayamang karera.
Kinumpleto ni Stage 4 winner Rustom Lim ang 1-2 finish para sa PSC-PhilCycling Team matapos pumangalawa sa yugto kung saan ay napag-iwanan ito ng 1:57 (4:18:19) habang pumangatlo si Boots Ryan Cayubit ng 7-11 ByRoadBike Philippines na kinapos ng 2 minuto (4:18:22).
Nasa ikaapat si Marcelo Felipe (4:18:32), ikalima si El Joshua Carino (4:19:54), ikaanim si Mark Galedo (4:20:07), ikapito si John Paul Morales (4:20:27), ikawalo si Ronald Oranza (4:20:29), ikasiyam si George Oconer (4:20:29) at ika-10 si Roel Quitoy (4:20:32).
Nanatili ang overall leadership kay Santy Barnachea sa natipong 21:49:37 oras kasunod si Oconer na napag-iwanan ng 7 minuto at 32 segundo (21:57:09) habang pumangatlo pa rin si Morales (21:58:54).
Nagkaroon naman ng aksidente papasok sa finish line matapos na sumemplang ang Spaniard na si Edgar Nieto. Gayunman, umakyat si Nieto sa ikaapat na puwesto sa overall mula sa ikasampu (22:00:51). Ikalima si Oranza (22:01:07), ikaanim si Lloyd Lucien Reynante (22:01:23) at ikapito si Irish Valenzuela (22:02:24).
Umangat si Baler Ravina sa ikawalo (22:02:09) mula sa ikasiyam na puwesto na inokupahan ni Cris Joven na nalaglag mula sa ikaapat na puwesto (22:03:39). Nanatili naman sa ikasampu si John Mark Camingao sa natipon nitong 22:08:47.
Bahagyang umangat sa overall standings si Navarra na dating nasa ika-32 puwesto at Lim na nasa ika-23 puwesto.
Napasakamay ni Navarra ang King of the Mountain sa naiposteng 25 puntos habang napunta ang Intermediate Sprint kay Morales na kinolekta ang kabuuang 86 puntos.
Nakamit ni Camingao (22:08:47) ang overall Best Young Rider Under 23 habang nanatili sa juniors category si Jay Lampawog (16:02:03).
Samantala, napatawan naman ng P3,000 penalty ang Team manager ng PSC/PhilCycling Development Team na si Cesar Lobramonte kung saan ang P2,000 ay dahil sa “not respecting the instruction of the commissaries” at P1,000 na bunga ng “riding in a manner which endanger the race.”
Una nang napatawan ng penalty na P500 ang siklistang si Jigo Mendoza ng Team Mindanao dahil sa “insulting behavior towards a commissaire” habang binigyan ng severe at final warning ang radio broadcaster na si Snow Badua dahil sa “endangering the final sprint” sa finish line sa Tarlac City Capitol.
Nabawasan pa ng dalawang siklista ang karera matapos na hindi nakatapos sa Stage Five si Jose Alwin Tumalad ng Mindanao habang hindi nakapagsimula ang beteranong si Oscar Rendole ng Cebu-VMobile. May natitira na lamang na 81 siklista ang tumugon sa pagsisimula ng Stage 6.
Ang Ronda Pilipinas 2015 na inihahatid ng LBC ay suportado ng major sponsors na Manny V. Pangilinan Sports Foundation, Petron at Mitsubishi at maging ang minor sponsors na Cannondale, Standard Insurance, Tech1Corp., Maynilad at NLEX kung saan ang padyakan ay may basbas ng PhilCycling sa pamumuno ni Cavite Congressman Abraham “Bambol” Tolentino. Ang TV5 at Sports Radio ang tumatayo bilang media partners.
Isasagawa naman ngayon ang ikalawang espesyal na yugto na Stage 7 sa ‘race against the clock’ na Individual Time Trial kung saan ay isa-isang tatahakin ng mga siklista ang 8.8km na akyatin na dadaaan sa popular na lugar na La Presa at magtatapos sa 2,000 meter above sea level sa Santo Tomas Mountain Top.