Isinugod kahapon ng madaling araw ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) Health Service si Senator Juan Ponce Enrile sa Makati Medical Center dahil sa pneumonia.

Nabatid kay PNP Health Service spokesman Chief Insp. Raymond Santos ganap na 3:00  ng  madaling araw isinugod  si Enrile sa naturang pagamutan upang sumailalim sa mga laboratory test dahil na rin sa kakulangan ng gamit sa PNP General Hospital sa Camp Crame.

Mula sa isang piitan sa PNP Custodial Center sa Camp Crame, matatandaan na ang 91-anyos na mambabatas ay inilipat sa PNP-General Hospital kung saan siya nakasailalim sa hospital arrest kaugnay sa multi-bilyong pisong pork barrel scam.

Ayon kay Santos, maselan ang pneumonia lalo na sa mga nakatatanda at ito ay dapat maagapan para hindi na umabot sa komplikasyon.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Bandang hatinggabi nang lumala ang kondisyon ni Enrile at kinailangan mailipat agad sa naturang  hospital, dagdag ni Santos.

Iniulat ng pagamutan na ang ubo ng mambabatas ay mayroong bakas ng dugo.

Bukod kay Enrile, nakakulong din sa PNP Custodial Center sa Camp Crame sina Senator Bong Revilla at Jinggoy Estrada.