Pumoste bilang isang malaking banta sa reigning 4-time champion Jose Rizal University (JRU) ang University of Perpetual Help System Dalta (UPHSD) sa pagbubukas kahapon ng NCAA Season 90 track and field championships sa Philsports Track and Football field sa lungsod ng Pasig.

Dalawang bagong record ang maagang binura ng Altas sa men’s pole vault at 400 meter hurdles sa pagsisimula ng kompetisyon.

Inangkin ni Johnrey Mabuyao, sa pamamagitan ng record breaking performance, ang gold medal sa pole vault matapos matalon ang baras na may taas na 4.31 meters na sumira sa mahigit na dalawang dekadang record na 4.30 meters ni Edward Obiena na noo’y kumakatawan pa sa ngayo’y event host na Mapua.

Matapos mabigong makapagtala ng podium finish noong nakaraang taon, bumawi ang 22-anyos na 3rd year Criminology student na si Mabuyao at inangkin ang gold medal.

National

Tinapyasang budget ng opisina ni VP Sara, ‘di na dapat baguhin – Sen. Risa

Ang isa pang record na binura ng Altas ay sa men’s 400 meter hurdles nang wasakin ni Francis Medina ang sarili niyang record na 54.40 seconds nang maorasan siya ng 53.47 segundo trial ng event kahapon.

Dahil dito, kumpiyansa si Altas coach Paul Coloma na malaki ang tsansa ng 18-anyos na Civil Engineering student na si Medina na manatili ang gold medal sa nasabing event na ang finals ay magaganap sa ikatlo at huling araw ng kompetisyon.

Pumangalawa kay Mabuyao si Richard Manuel ng Lyceum na nakatalon ng 3.90 meters habang pumangatlo naman si Christopher Gonzales ng Arellano University (AU) na nakapagtala ng 3.80 meters.

Gayunman, hindi naman nagpahuli ang Heavy Bombers matapos na mapanatili ni national team mainstay Harry Diones ang gold medal sa men’s long jump matapos makatalon ng 7.27 meters.

Kinumpleto naman ni reigning MVP Domingo Cabradilla ang 1-2 finish para sa JRU nang kunin nito ang silver medal sa kanyang talon na 7.17 meters.

Pumangatlo naman sa kanila si Jasper Claudio ng Perpetual na nakatalon ng 6.99 meters.

“Basta kami laban lang, kung maidepensa namin mas maganda. Pero right now on target naman kami,” pahayag ni JRU coach Jojo Posadas.