Matapos ulanin ng batikos mula sa publiko, humingi ng pag-unawa ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa matinding trapik na nilikha ng pagsasara ng ilang bahagi ng Epifanio de los Santos (EDSA) upang bigyang daan ang selebrasyon ng ika-29 anibersaryo People Power Revolution na pinangunahan ni Pangulong Aquino sa People Power Monument sa Quezon City kamakalawa.

“Sorry po sa nangyari subalit sana po’y maintindihan ninyo na ito ay para sa seguridad, katahimikan at kaayusan ng selebrasyon,” ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino.

Ibinato naman ni Tolentino ang sisi sa Philippine National Police (PNP) dahil pagsasara ng bahagi ng Shaw Boulevard hanggang Santolan na isa sa lugar kung saan hindi na gumalaw ang mga sasakyan umaga pa lang noong Miyerkules.

“It was the PNP-National Capital Region Police Office who determined how long, how wide was the road closure,” pahayag ni Tolentino.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Aniya, may naarestong lalaki na may bitbit na baril sa Ortigas footbridge dakong 3:00 noong Miyerkules ng madaling araw, dahilan upang maghigpit ng seguridad ang pulisya.

May inabandona ring bag malapit sa EDSA Shrine kung saan idinaos ang misa ni Manila Archbishop Antonio Luis Cardinal Tagle.

Ito ay bilang reaksiyon ng MMDA sa sangkatutak na pagbatikos sa mga social media hinggil sa kalbaryong trapik noong Miyerkules, na tumagal ng halos buong araw, kung saan sinisisi hindi lamang ang MMDA ngunit maging ang iba’t ibang sangay ng gobyerno sa mabigat na trapik na naranasan maraming bahagi ng Metro Manila bunsod ng pagsasara ng ilang bahagi ng EDSA.