Mga laro ngayon: (Smart Araneta Coliseum)

4:15 p.m. Barako Bull vs. Rain or Shine

7 p.m. Meralco Bolts vs. NLEX

Pagbangon sa natamong unang kabiguan sa kamay ng San Miguel Beer at mapatatag ang kanilang pagsosolo sa liderato ang tatangkain ng Meralco sa kanilang pagsagupa ngayon sa NLEX sa pagpapatuloy ng aksiyon ng 2015 PBA Commisioner’s Cup sa Smart Araneta Coliseum.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Muling nasolo ng Bolts ang pamumuno, sa kabila ng kabiguang natamo sa Beermen noong nakaraang Sabado sa Cagayan de Oro City, nang mabigo ang dati nilang kasalo na Talk ‘N Text sa Kia Carnival noong Miyerkules ng gabi na nagbaba sa kanila sa barahang 5-2 (panalo-talo). Ang Bolts ay nagtataglay ngayon ng 5-1 marka.

Sa nasabing kabiguan, minalas na mapinsala agad sa ikalawang period ang kanilang mahusay na import na si Joshua Davis kaya’t nahirapan ang Bolts na makipagsabayan sa Beermen na pinangunahan naman ng bagong import na si Arizona Reid.

At habang sinusulat ang balitang ito ay wala pang malinaw na ulat kung makalalaro si Davis kontra sa Road Warriors ngayong gabi dahil na rin sa diagnosis na lumabas na mayroon itong malubhang pamamaga sa kanyang muscles sanhi ng naging masamang pagbagsak nito sa nakaraang laban nila ng Beermen.

“We’re still observing him. The doctor’s diagnosis is severe muscle contusion,” ayon kay Meralco team manager Paolo Trillo.

“It’s a matter of how fast he can recover because Josh is still in pain at the lower back. We don’t know how serious the injury is, and that will depend on his recovery.”

Kapag nagkataon, malaking pabor ito para sa Road Warriors na naghahangad namang umangat sa kinalalagyan nila sa ikaanim na posisyon kung saan ay kasalukuyang kasalo nila ang Alaska na may hawak na barahang 2-4 (panalo-talo).

Tatangkain ng Road Warriors na makamit ang unang back-to-back wins sa mid-season conference matapos na malasap ang ikalawang panalo sa loob ng anim na laro noong nakaraang Martes kontra sa Beermen, 100-93, sa larong ginanap sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

Gaya ng dati, sasandigan ng NLEX ang import na si Al Thorton, gayundin sa kanilang ageless leader at local center na si Asi Taulava at mga beteranong si Jonas at Rico Villanueva at KG Canaleta.

Una rito, maghihiwalay naman ng landas ang Barako Bull at ang Rain or Shine na kasalukuyang magkasalo sa ikatlong posisyon bukod pa sa mag-uunahan silang makapagtala ng ikalimang tagumpay para makasalo ang Talk ‘N Text sa ikalawang posisyon. Magtutuos sila sa ganap na alas-4:15 ng hapon.

Target ng Elasto Painters na mahatak ang naitalang back-to-back wins sa tatlong sunod na tagumpay habang sisikapin naman ng Energy Cola na dugtungan at muling makapagsimula ng panibagong run matapos ang naiposteng 93-91 overtime win sa Alaska noong Martes sa Astrodome.

Muling aasa si Barako Bull coach Koy Banal sa matinding kagustuhan ng kanyang mga manlalaro na pa-angatin ang kanilang koponan.

“Ang goal namin is to be in the middle of the pack after the elims. I just hope and pray we’ll be able to make it in the playoffs. Naniniwala ako sa awa ng Diyos, kahit malayo ang composition namin sa ibang teams pero ‘yung willingness ng players on both ends nandoon,” ani Banal.