Required na ngayon ang mga medical representative na sumailalim sa taunang mandatory registration sa Professional Regulation Commission (PRC) bago sila makapagbenta ng anumang gamot o produktong medikal.
Sa isang pahayag, sinabi ng PRC na ipinatutupad na nito ang Memorandum Circular No. 2015-01, na nag-oobliga sa mga kumpanya ng gamot na i-accredit ang kani-kanilang medical representative, o mga professional sales representative, sa PRC-Board of Pharmacy (PRC-BOP).
Ito, ayon sa PRC, ay alinsunod sa Section 12 ng RA 5921 o ang Act Regulating the Practice of Pharmacy and Settings of Pharmaceutical Education in the Philippines.
Naging epektibo nito lang nakaraang linggo makaraang malathala noong Pebrero 5, 2015, sinabi ng PRC na may hanggang Hunyo 30, 2015 lang ang mga medical manufacturer o distributors para makumpleto ang pagrerehistro sa kani-kanilang medical representative.
Ayon sa PRC, kailangang magsumite ang mga medical representative ng filled-up application form, original/photocopy ng NSO birth certificate, marriage certificate sa babaeng kasal na, certificate of employment, certificate of training, at Permanent Examination and Registration Record Card mula sa komisyon. - Samuel Medenilla