Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa ating paksa tungkol sa kung paano tatapusin ang isang bagay na nasimulan. Bilang pagbabalik-tanaw sa issue kahapon, nabatid natin na bago mo simulan ang isang bagay, kailangang magpasya ka kung ang iyong interes ay dumaraan lang at maglalaho kalaunan. Kung gaano man katindi ang hilig mo ngayon, maghintay ka muna ng ilang linggo. Minsan, ang isang idea na parang napakaganda sa oras na iyon ay hindi tumatagal. Ipagpatuloy natin…
- Gawing matibay ang iyong commitment. – Kung nais mong simulan ang isang bagay at nangangako kang tatapusin mo iyon, kailangang maging matibay ang iyong commitment. Kailangang maglaan ka ng regular na araw at oras upang atupagin ang proyekto o anumang pinag-iinteresan mo at huwag kang lilihis sa schedule na iyon. Magkaroon ng kalendaryo para sa iyong interes at tanggalin ang iba pang aktibidad na makasisira sa iyong pangako na gawin iyon. Tumupad ka sa itinakda mong schedule.
- Bantayan ang iyong progreso. – Madaling simulan ang isang proyekto nang buo ang loob at masigla, kahit gumugol ka pa ng kalahating oras araw-araw para sa isang proyekto. Sa paghakbang ng mga araw, darating ang ilang abala sa buhay. Natitiyak kong may mga proyekto kang naisantabi muna upang bigyang daan ang ilang bagay na nangangailangan ng agarang atensiyon… at lumilipas ang mga linggo at buwan nang wala nang nangyayaring progreso sa iyong proyekto.
Madaling maiwala ang momentum lalo na kung marami kang ginagawang iba pa. Kung mayroon kang proyekto na gusto mo talagang sumulong, maghanap ka ng paraan upang mabantayan mo ang progreso nito. Kumuha ng maliit na kalendaryo (maaari ring kalendaryo sa iyong cellphone) at itala roon kung hanggang saan na ang inabot ng iyong proyekto at ano dapat ang mararating pagsapit ng itinakdang panahon. Maaari ka ring gumawa ng listahan ng sunud-sunod na hakbang tungo sa tagumpay ng iyong proyekto at lagyan ng check ang mga natapos na gawain. Puwede ka ring magsabi sa isang matapat na kaibigan tungkol sa iyong pagsisikap upang makamusta ka nito pagdating ng panahon.
Sundan bukas.