GENERAL SANTOS CITY – Naglunsad ang pulisya ng manhunt operations laban sa apat na bilanggo na tumakas mula sa municipal jail ng Malapatan sa Sarangani noong Miyerkules ng gabi.

Sinabi ni Malapatan Police chief Robert Gabayeron na tinutugis na ang pulisya, katuwang ang mga tauhan ng Bureau and Jail Management and Penology (BJMP) ang mga puganteng sina Ronald Upos, 23, na akusado sa pagnanakaw; Roberto Carapayko, 21; at Gerald Lipasan, kapwa kinasuhan ng carnapping; at Romnick Poster, na akusado sa murder.

Sinabi ni Gabayeron na nagtangkang tumakas ang walong bilanggo sa municipal jail pero isa sa kanila ang nabaril at napatay ng jail guard habang agad namang nadakip muli sina Jerry Bellota, 31; Jerald Caballes, 19; at Metchel Macaso, 48 anyos.

May kasong robbery with homicide, tinangka umano ni Mod Lakim na agawin ang shotgun ng jail guard kaya binaril at napatay siya nito.

IPOPHL's, nag-react sa mathematical discovery ng guro sa Quezon

Nasugatan sina Bellota, Caballes at Macaso dahil sa pakikipagbuno sa mga jail guard at dinala sa ospital para sa gamutan.

Ayon sa imbestigasyon, si Upos, isang trustee inmate, ang nagbukas sa kandado ng selda para makatakas siya at ang mga kapwa bilanggo. - Joseph Jubelag