KIDAPAWAN CITY – Dalawa sa tatlong micro SD (secure digital) card, na naglalaman ng video footage ng madugong sagupaan sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25, ang nasa kustodiya na ni Kidapawan City Mayor Evangelista.

Sa pamamagitan ng kanyang mga impormante, natukoy ni Evangelista ang kinaroroonan ng tatlong nasa likod sa pag-upload ng Mamasapano video sa mga social networking site na pawang mga residente ng Kidapawan.

Upang pangalagaan ang kanilang seguridad, kinilala ng mayor ang tatlo sa pamamagitan lamang ng kanilang alyas na “Ana,” “Jojo,” at “Edwin.”

Nagsumite na ang tatlo ng kanilang joint affidavit sa Kidapawan City Prosecutors’ Office matapos bigyan ni Evangelista ng kani-kanilang abogado noong Miyerkules.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Sa kanyang testimonya, inamin ni “Edwin,” isang negosyante, na siya ang nag-upload ng Mamasapano video matapos niya makuha ang file mula sa isang “Jojo” sa pamamagitan ng Bluetooth transmission.

Nang tanungin ng awtoridad, sinabi ni Jojo na nakuha niya ang video file mula sa kanyang nakababatang kapatid na si Ana, na kinalaunan ay itinuro ang isang Grade 6 na estudyante mula sa Pikit na una umanong pinanggalingan ng mga footage ng brutal na pagpatay sa 44 tauhan ng Philippine National Police-Special Action Force. - Malu Cadelina Manar