Hiniling kahapon ng mga miyembro ng minorya sa Kongreso ang pagpapatuloy ng imbestigasyon ng mababang kapulungan sa Mamasapano incident, at tinukoy

ng isa sa kanila ang posibilidad na nilabag ni Pangulong Benigno S. Aquino III ang batas nang pinahintulutan nito ang noon ay suspendidong si Philippine National Police (PNP) Chief Director Gen. Alan Purisima na pangasiwaan ang Oplan Exodus, na pinagbuwisan ng buhay ng 44 na operatiba ng Special Action Force (SAF).

Sinabi ni Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Zarate, abogado, na posibleng masampahan ng kasong kriminal ang Pangulo matapos itong bumaba sa puwesto sa 2016 kaugnay ng pagkamatay ng “Fallen 44”.

“It is clear that President Aquino violated the Ombudsman’s suspension order because he allowed Purisima to meddle in the operation even if he is suspended,” sinabi ni Zarate sa mga mamamahayag.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ipinaliwanag ng Makabayan lawmaker na posibleng nilabag ng Pangulo ang anti-graft law, na nagbabawal sa sinumang opisyal ng gobyerno na magdulot ng pinsala sa gobyerno sa pagpabor sa isang tao o pagbalewala sa tungkulin nito at sa Code of Ethical Standards ng mga opisyal at kawani ng gobyerno.

Sinabi ni Zarate na mistulang “pinaboran” ng Pangulo ang pagkakaibigan nila ni Purisima, kahit pa nagbabala ito sa Malacañang laban sa pagtatago ng katotohanan sa tunay na nangyari sa engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25, 2015.

Gaya ni Zarate, nanawagan din ni 1-BAP Party-list Rep. Silvestre Bello III ng pagpapatuloy sa imbestigasyon sa Mamasapano carnage.

“We should resume the House probe into the Mamasapano incident. Kaya magulo because everybody wants to ask questions in search for truth, walang itinatago unlike other investigations where some information should have been disclosed in an executive session,” sabi ni Bello, na nagsilbing Justice Secretary.

Sumang-ayon din si ACT Party-list Rep. Antonio sa mga kapwa kongresista, sinabing hindi na dapat pang hintayin ng mababang kapulungan ang resulta ng imbestigasyon ng Board of Inquiry ng PNP bago ipagpatuloy ang imbestigasyon ng Kongreso sa insidente.