Ang Pilipinas ang nangungunang bansa sa Asia, ang ikaapat sa 80 bansang na-survey sa buong mundo na may pinakamataas na bahagi – 47.6 porsiyento – ng mga babaeng humahawak ng senior at middle management positions sa huling 20 taon, ayon sa isang pag-aaral na “Women in Business and Management: Gaining Momentum” ng Bureau for Employers’ Activities ng International Labor Organization (ILO).

Ang Pilipinas ang nag-iisang bansa sa Asia na rumanggo sa pandaigdigang top 10 para sa bansang may mataas na bilang ng mga babaeng nasa managerial posts, ipinakita ng pag-aaral. Nanguna ang Jamaica sa listhaan na may 59.3%, sinundan ng Colombia na may 53.1%; Saint Lucia, 52.3%; Panama, 27.4%; Belarus, 46.2%; Latvia, 45.7%; Guatemala, 44.8%; Bahamas, 44.4%; at Moldova, na may 44.1%. Sinundan ng Mongolia ang Pilipinas sa Asia rankings, ngunit ito ay nasa ika-17 puwesto.

“Our research is showing that women’s ever increasing participation in the labor market has been the biggest engine of global growth and competitiveness,” ayon sa ILO.

Ang mga developing region, ipinakita ng pag-aaral, ay mas malamang na magkaroon ng mas mataas na persentahe ng mga babae sa matataas at managerial position, sa kabila ng mas maraming babae ang nakararating sa matataas na uri ng trabaho sa mga lokal na kumpanya sa halip na sa multinational o malalaking korporasyon. Sa Pilipinas, ayon pa rito, saklaw ng mga babae ang malaking bahagi ng labor market, lalo na sa mga industriya tulad ng business process outsourcing.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sa pag-aaral, na inilabas noong Enero 15, 2015, nakabalangkas ang nagbabagong trend sa dalawang huling dekada na naghatid sa mga babae sa puwesto ng 40% ng senior at middle-level management positions. Karaniwan pa rin ang company board na ang mga miyembro ay lalaki ngunit kumakaunti na ang bilang, sapagkat saklaw na ng mga babae ang 20% o higit pa ng lahat ng mga board sa iilang bansa, ayon pa rito, na sinabing ang Norway ang may pinakamataas na global proportion ng mga kumpanya (13.3%) na may isang babae bilang chairperson ng company board, sinundan ng Turkey (11.1%).

Pinatatakbo ng kababaihan ang halos 30% ng mga negosyo sa daigdig, ngunit nasa micro at small enterprises lamang ang mga ito, ipinakita ng pag-aaral. Gayong mga babae ang mas malamang na magmay-ari o mangasiwa ng isang negosyo ngayon kaysa dati, hindi naman mas malamang na humawak sila ng isang posisyong may kapangyariyan sa kahit na anong pinakamalalaking korporasyon sa daigdig. Limang porsiyento lamang ng mga chief executive officer ng pinakamalalaking korporasyon sa daigdig ay mga babae; kung mas malaki ang kumpanya, mas kakaunti ang pinuno na babae, ayon pa rito.

Binigyang-diin ng pag-aaral na mahalaga ang pagkakaroon ng managerial experience para sa kababaihan upang umangat sa tuktok ng organizational ladder, madalas silang nailalagay sa larangan ng communications, public relations, human resources, finance at administration, at may hangganan ang kanilang aakyatan. “Having women in top positions is simply good for business,” mungkahi ng pag-aaral, humihiling sa mga organisasyon na magpatupad ng gender-sensitive human resource policies at mga hakbang upang matulungan ang kababaihan na humawak ng maraming mapaghamong tungkulin ng kalalakihan.