Ang commissionership ng PBA ang pangunahing agenda ngayong araw sa pagpupulong ng Board of Governors, ang policy makers ng unang professional tournament sa Asia, upang mapinalisa ang criteria na magiging pundasyon sa pagpili ng susunod na commissioner ng PBA.

Ito ang inanunsiyo kamakailan ni PBA Commissioner Angelico “Chito” Salud hinggil sa kanyang planong pagbaba sa puwesto sa pagtatapos ng kasalukuyang season ng pro league at hudyat ng pagtatapos ng kanyang produktibong limang taong termino.

Dahil dito, ang board, sa pamumuno ni Patrick “Pato” Gregorio ng Talk ‘N Text, ay obligadong maghanap ng kapalit ni Salud, isang hakbang na nais ng board na makumpleto bago ang pagtatapos ng Commissioner’s Cup.

“We’ll focus on the criteria, because we all know that the PBA is bigger now, so maybe, the criteria will change while the different governors will share their own inputs,” saad ni Gregorio.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Ang board meeting ay magsisimula sa ganap na alas-12:00 ng tanghali sa PBA Office sa Eastwood sa Libis, Quezon City.

Sinabi ni Gregorio na posibleng may mga pangalang mababanggit sa pagpupulong bilang potensiyal na kandidato na papalit kay Salud, ngunit binanggit din niyang masyado pang maaga upang magkaroon ng short list.

“I’m sure that some governors will discuss some of the names, but I just don’t know up to what point that will analyze or discuss the names,” ani Gregorio, na inaasahang dadalo ang lahat ng governors maliban sa kasalukuyang vice chairman na si Robert Non na kasalukuyan pang nagpapagaling mula sa matagumpay na heart surgery.

Sa kabila nito, siniguro ni Gregorio na papangalanan ng board ang hahalili kay Salud bago ang pagtatapos ng Commissioner’s Cup upang mabigyan ng pagkakataon ang incoming commissioner at outgoing commissioner ng sapat na transition period.

“There’s no turning back on this as far as the deadline is concerned because it’ll be good for the new commissioner to be named early while commissioner Chito Salud is there,” ayon kay Gregorio.

Ngayon pa lang, ilan sa mga pangalan na nabanggit ng iba’t ibang source bilang posibleng commissioner ay sina PBA greats Robert Jaworski at Ramon Fernandez, at ang magkapatid na Narvasa na sina Chito at Ogie.

Si Chito Narvasa ang kasalukuyang pinuno ng Basketball Coaches Association of the Philippines (BCAP), at naging coach ng Purefoods Hotdogs at ang nawala na Shell.

Si Ogie Narvasa, sa kabilang banda, ay isang abugado ngunit hindi naman bago sa basketball dahil minsan na itong naging commissioner ng mga defunct na ligang Philippine Basketball League (1991-1992) at Metropolitan Basketball Association (2000-2001).

Ang iba pang mga pangalan na nabanggit sa mga naunang ulat ay kinabibilangan ng ex-pro at minsang naging PSC at UAAP commissioner na si Chito Loyzaga, dating PBA governors Lito Alvarez, Buddy Encarnado at JB Baylon, at Bobby Barreiro, isang dating TV5 executive. (Waylon Galvez)