Sa kabila ng pinauugong na kudeta, naniniwala ako na wala sa hinagap ni Presidente Aquino ang pagdedeklara ng martial law. Matindi ang kanyang pananalig sa pag-iral ng demokrasya sa bansa na binuhay ng kanyang ina – ang icon of democracy na ang yumaong si Presidente Corazon Aquino. Katunayan, lagi niyang ipinahihiwatig: Nanaisin pa ba nating bumalik sa kadiliman?
Ang tinutukoy ng Pangulo ay ang pag-iral ng martial law noong panahon ng diktadurya sa nakalipas na administrasyon, maraming dekada na ang nakalilipas. Noon, niyurakan ang lahat na yata ng karapatan ng sambayanan, binuwag ang Kongreso at kinitil ang kalayaan ng pamamahayag.
Gayunman, ang pag-ugong ng kudeta ay dapat umuntag sa kaisipan ni Presidente Aquino; dapat niyang damahin ang posibleng pagsiklab ng damdamin ng kanyang mga ‘boss’ na sinasabing nadidismaya sa mga pangyayaring gumigiyagis sa lipunan.
Maging ang administrasyon ng yumaong si Presidente Cory Aquino ay niyanig din ng sunud-sunod ng kudeta na inilunsad ng umano’y grupo ng Reform the Armed Forces Movement (RAM). Katunayan, mismong ang buhay ni Presidente Noynoy Aquino ay nabingit sa panganib dahil yata sa mga ligaw na bala na pinaulan sa mismong presidential residence na malapit sa Malacañang.
Gayunman, hindi sumagi sa isip ni Presidente Cory ang pagdedeklara ng martial law. Taliwas ito sa mga simulain ng kanyang pamamahala na maliwanag na nakaangkla sa mga paninindigan ng kanyang asawa na si dating Senador Benigno Aquino, Jr; ipinusta niya ang kanyang buhay dahil sa pagmamahal sa demokrasya.
Nalampasan ni Presidente Cory ang mga panganib ng walang patumanggang mga kudeta. Naging katuwang niya rito si Presidente Fidel Valdez Ramos (FVR) na noon ay Secretary of National Defense, kasama ang mga kawal na matapat sa naturang administrasyon.
Ito marahil ang dahilan kung bakit halos isumpa ni FVR ang martial law. Hanggang ngayon, hindi siya naniniwala na ito ang lunas sa umiiral na mga problema na tulad ng mga katiwalian at iba pang uri ng pagsasamantala sa gobyerno.
Kahit na ang taumbayan ay sumisigaw: No to martial law.