Ipagbabawal na sa Valenzuela City ang maiingay na motorsiklo kapag pinagtibay na ng City Council ang panukalang batas ni First District Councilor Rovin Feleciano.
Ayon kay Feleciano, labis na nakakatulig ang mga motorsiklo na sinadyang paingayin ang tambutso, at madalas na inirereklamo.
Kabilang sa mga nagrereklamo ang mga alagad ng simbahan na malapit sa kalsada, lalo na kung may misa.
Sa ngayon ay hindi pa tinatalakay ang nilalaman ng nasabing panukalang ordinansa ni Feleciano, at itatakda pa ang public hearing.
Sinabi ng konsehal na may mga nagmomotorsiklo na tutol sa panukala, pero iginiit niyang mas marami ang pumapabor dito.
Sa katunayan, ayon kay Feleciano, ay inulan na siya ng batikos sa Facebook mula sa mga rider na kontra sa nasabing panukala.