Sinalakay ng mga armadong miyembro ng MILF ang bahay ng napatay na si Malaysian terrorist Zulkipli Bin Hir, alyas Marwan, sa Maguindanao at sinunog noong Martes ng gabi.
Ito ang inihayag kahapon ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na kanilang sinunog ang bahay ni Marwan, bukod pa sa dalawang bahay na katabi nito.
Sinabi ni Kumander Haramen, operations officer ng 7th Brigade MILF, na sinunog ng kanyang mga tauhan ang nasabing bahay ng dakong 9:30 ng gabi.
Sinabi ng militar na si Marwan ang naging pangunahing misyon ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) na tinaguriang Oplan Exodus na ikinamatay ng 44 commando noong Enero 25.
Ayon sa MILF na sinadyang sunugin ng mga tauhan ni Kumander Haramen ang bahay ni Marwan sa Brgy. Pidsandawan, Mamasapano, Maguindanao.
Malaki naman ang paniniwala ng pulisya na sinunog ng MILF ang bahay ni Marwan makaraang mag-imbestiga ang Board of Inquiry sa pangunguna ni PNP-Criminal Investigation and Detection Group chief Director Benjamin Magalong kaugnay sa naging labanan sa Mamasapano.
Matatandaan na nagtungo noong Martes sa encounter site ang BOI upang alamin ang tunay na pangyayari at hindi na pinuntahan ang bahay ni Marwan dahil hindi kasama sa iniimbestigahan ang pagkamatay ng wanted na Malaysian terrorist.