Pitong katao ang nasawi, kabilang ang dalawang sundalo, at 23 iba pa ang nasugatan sa panibagong bakbakan ng militar at Abu Sayyaf sa bulubunduking bahagi ng Barangay Tanum, Patikul, Sulu.
Limang miyembro ng Abu Sayyaf ang iba pa sa mga nasawi, habang 14 sa Abu Sayyaf ang nasugatan bukod pa sa siyam na sundalo.
Base sa report ng Joint Task Group (JTG) Sulu, dakong 9:20 ng umaga kahapon nang makaengkuwentro ng tropa ng 1st Scout Ranger Battalion at 16th Special Forces Company ng Philippine Army ang nasa 300 miyembro ng Abu Sayyaf, na pinamunuan ni Commander Hajan Sawadjaan.
Nabatid na agad nagsagawa ng blocking force ang lahat ng detachment ng militar at mga checkpoint ng Philippine National Police (PNP).
Iniulat na nagsasagawa ng operasyon ang AFP, PNP at pamahalaang panglalawigan ng Sulu laban sa mga responsable sa serye ng kidnapping sa probinsiya nang makaengkuwentro ang Abu Sayyaf.