Sinibak sa puwesto ang isang police sergeant matapos mabatid na ginagamit niya ang gas supply ng pulisya para sa pangangailangan ng sarili niyang pamilya.

Sa tulong ng Facebook, na-upload ng isang kaanak ng pulis ang dalawang litrato ng gas slip na para sa Internal Affairs Service (IAS) ng Philippine National Police (PNP).

Ang litrato, na may caption na “Gas supply in PH... Thanks Pa”, ay naging viral sa social media, na karamihan sa nagkomento ay binatikos ang maling paggamit sa supply ng gobyerno.

Ang mga gas slip ay alokasyon ng PNP para sa mga operasyon ng police units. Ang bawat gas slip ay katumbas ng 10 litro ng diesel o gasolina.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Kakatwa namang ang sinibak na pulis ay nakatalaga sa IAS, na mismong nagsasagawa ng imbestigasyon sa mga maling gawain ng mga kawani ng PNP.

Hindi pinangalanan ni Chief Supt. Generoso Cerbo Jr., tagapagsalita ng PNP, ang sinibak na pulis pero sinabing ito ay may ranggong Senior Police Officer 4 at mahigit 30 taon na sa serbisyo.

Nagsasagawa na rin ng imbestigasyon ang IAS, at ayon kay Cerbo, bahagi ng pagsisiyasat ang tukuyin ang mga paraan upang maiwasang maulit ang nangyari o ang posibleng pagbebenta ng gas slip. - Aaron B. Recuenco