Nabunyag na lumagda umano maging ang mga pumanaw na sa petisyon para sa recall election na isinusulong ni Alroben Goh laban kay Puerto Princesa City, Palawan Mayor Lucilo Bayron.
Ito ang sinabi kahapon ng abogada ni Bayron na si Atty. Jean Lou Aguilar, na nagsuspetsa makaraang maraming botante ang nagreklamo na pineke ang kanilang mga lagda sa petisyong isinampa ni Goh sa Commission on Elections (Comelec).
Nilinaw din ni Aguilar na ibinunyag ng concerned citizen na nasa petisyon ng mahigit 7,000 pinalsipikang lagda at mahigit 7,000 dobleng pangalan kaya kataka-takang nakalusot ito sa Comelec.
“Kung hindi pa sapat ang pinalsipikang mga lagda at doble-dobleng pangalan sa petisyon, natuklasan din sa tulong ng concerned citizens, na may lagda ng mga namatay nang botante sa petisyon,” ani Aguilar.