Ang ika-29 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution ay idinaraos ngayong Pebrero 25, 2015. Ang sentro ng selebrasyon ay nasa Epifanio De los Santos Avenue (EDSA), ang lugar ng makasaysayang tagpo, kung saan ngayon naroon ang EDSA Monument, ang Lady of Peace Shrine, isang museo at photo exhibit ng imortal na demonstrasyong walang karahasan na naging huwaran para sa daigdig.
Sa temang “EDSA 29: Ituloy ang Pagbabago!” ang selebrasyon dito at sa Philippine missions at Filipino communities sa ibayong dagat ay tradisyunal na ginugunita ang mga bayani ng EDSA pati na rin ang mga hindi kilalang Pilipino na sumama sa rally, namigay ng pagkain at inumin sa mga raliyista, nag-rosaryo, nag-alay ng mga bulaklak, at hinarap ang mga tangke at armadong sundalo nang buong tapang noong maluluwalhating apat na araw na iyon.
Binigyan ng espesyal na paggunita sa araw na ito ay ang isang bagong henerasyon ng mga Pilipino na pinananatiling buhay ang diwa at mga mithiin ng EDSA sa pamamagitan ng pagtulong sa mga nangangailangan, at paglilingkod bilang mga kampeon ng people power, sa pamamagitan ng makabuluhang mga proyekto, kabilang na ang pagtatayo ng mga e-learning center na may mga computer sa mga kubo sa malalayong probinsiya, sa pagtuturo sa mga out-of-school na kabataan ng maralitang mamamayan, sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga survivor ng kalamidad, sa pagtatatag ng green and clean na mga espasyong pampubliko sa 80 barangay sa Cebu, at sa pagtatanim ng mga bakawan sa Southern Luzon.
Ang mga aktibidad na inorganisa ng EDSA People Power Commission (EPPC) ay kinabibilangan ng pag-aalay ng bulaklak sa Tomb of the Unknown Soldier at Libingan ng mga Bayani. Ang Ten Accomplished Youth Organization (TAYO) Search, na nasa ika-12 taon na ngayon, ay magpaparangal sa natatanging youth organizations na nagpakita ng diwa ng people power at bayanihan sa pamamagitan ng iba’t ibang programa. Isang proyekto ng EPPC at TAYO Awards Foundation, Inc., ang seremonya ng pagpaparangal ay idaraos sa Malacañang na si Pangulong Benigno S. Aquino III ang panauhing pandangal. Magkakaroon ng pagtatanghal na “Manhid: A Filipino Superhero Musical,” na isang dance drama na isinalin sa rock music, na nagtatampok ng mga lokal na bayani na lumalaban upang iligtas ang bansa mula sa kahirapan, kapabayaan, at pagkamangmang. Magkakaroon din ng taunang pagsasadula ng “Salubungan”, isang film festival, pagpapalabas ng dokumentaryo, isang street party, konsiyierto, art at photo exhibits.