Dati, ang paggunita sa EDSA People Power ay ipinagbubunyi hindi lamang ng mga Pilipino kundi maging ng buong daigdig; ito ay sumasagisag sa paglipol ng diktadurya at sa panunumbalik ng demokrasya. Higit sa lahat, ito ay napabantog bilang isang bloodless revolution.
Matamlay ngayon, batay sa pagsulpot ng masasalimuot na pangyayari, ang selebrasyon ng minsang naging makasaysayang eksena sa ating bansa. Nagiging tampok ngayon ang kabi-kabilang panawagan hinggil sa pagbibitiw ni Presidente Aquino. Pinuputakti siya ng mga bintang na taliwas sa ipinangangalandakan niyang mabuti at matuwid na pamamahala.
Isa itong malaking kabalintunaan sapagkat ang isa sa mga lumahok sa tinaguriang ‘blood-less revolution’ ay mga miyembro ng mga religious groups na ngayon ay nangunguna sa pagpapatalsik sa Pangulo. Isipin na lamang na kabilang din sa grupong ito ang mismong mga kaanak niya na nagpahayag ng kawalan ng tiwala sa kasalukuyang administrasyon.
Halos imposible nang masaksihan natin ang madamdamin at makatuturang paggunita sa EDSA People Power. Ang mga personalidad na gumanap ng mapanganib subalit makabuluhang papel sa naturang eksena ay matagal nang tumalikod sa administrasyon.
Paano nga bang magiging makatuturan ang pagpapahalaga sa araw na ito kung ang kapaligiran, lalo na sa Mindanao, ay ginagambala ng manaka-nakang karahasan? Ang malagim na labanan sa Mamasapano, Maguindanao na ikinamatay ng 44 na SAF commando ay isang malaking kabaligtaran ng tinaguriang rebolusyong walang dumanak na dugo. Laban ito hindi ng mga dayuhan kundi ng mismong mga kapuwa Pilipino na sinasabing parehong nagsisikap upang matamo ang pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao at sa iba pang panig ng kapuluan.
Sa harap ng nakadidismayang mga katotohanang ito, paano natin gugunitain ang isang makasaysayang EDSA People Power kung ito ay nakulapulan na ng kabi-kabilang madudugong karahasan? Hungkag sa katapatan ang ganitong selebrasyon.