BULUAN, Maguindanao – Nagkaloob ang world boxing champion na si Sarangani Rep. Manny Pacquiao ng tulong pinansiyal sa mga pamilya ng limang sibilyan na nasugatan sa engkuwentro sa Mamasapano nitong Enero 25, na mistulang tugon sa himutok ng marami na tanging ang 44 na pulis ang tumanggap ng ayuda sa lahat ng nasawi sa sagupaan.

Sinabi kahapon ni Maguindanao Gov. Esmael Mangudadatu na tinanggap niya noong Lunes ng hapon ang P125,000 cash mula kay Pacquiao, sa pamamagitan ng isang emisaryo, para magkaloob ng P25,000 sa bawat isa sa pamilya ng limang nasugatang Muslim na residente.

Ayon kay Mangudadatu, kusang-loob na ibinigay ni Pacquiao—na una nang nagkaloob ng ayudang pinansiyal sa pamilya ng 44 na nasawing operatiba ng Special Action Force (SAF)—ang tulong pinansiyal sa mga sibilyan, batay sa naging pag-uusap nila sa telepono noong nakaraang linggo.

“Masayang-masaya kami na tinulungan ng kaibigan kong si Manny (Pacquiao) ang mga civilian victim,” sabi ni Mangudadatu, idinagdag na ang eight-division boxing champion ang unang hindi Muslim na gumawa ng nasabing kabutihan.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sinabi pa ng gobernador na naglaan din siya ng P125,000 para tapatan ang donasyon ni Pacquiao at umabot sa P50,000 ang cash package para sa bawat pamilya.

Ayon naman kay Provincial Budget Office Chief Lynette Estandarte na personal niyang ihahatid ngayong linggo sa Mamasapano ang pinagsamang donasyon dahil ayaw nang magtungo sa Mamasapano ng mga pamilya dulot ng “manifest trauma” sa engkuwentro noong Enero 25.

Kinilala ni Estandarte ang mga nasugatang sibilyan na sina Amina Salaganan, Sajid Pasawilan, Saada Taib, at ang mag-asawang Tot at Samrah Panaggulon.

Aniya, namatay ang walong taong gulang na anak na babae ng mag-asawang Panaggulo na si Sarah, na sinasabing nasawi sa tama ng ligaw na bala sa kasagsagan ng sagupaan.

Sa apat na sibilyang nasawi sa engkuwentro, tanging dalawa lang ang kinilala ni Estandarte, sina Badrudin Langalen at Musib Hassim.

Sa panayam ng may akda sa pamilya ng mga nasawing sibilyan, nagpahayag sila ng pagkadismaya sa kawalang malasakit ng gobyerno sa mga gaya nilang naulila, gayundin para sa 2,500 naapektuhan ng paglalaban.

“Pilipino rin kami, at mas karapat-dapat kami sa atensiyon dahil ‘di hamak namang hikahos kami kaysa mga pamilya ng mga sumusuweldo at may benepisyong elite police,” naiiyak na himutok ng isang ginang na magsasaka. (ALI G. MACABALANG)