Itong Mamasapano massacre ay nagpapaalala sa akin ng nakaraang massacre na naganap noong bagong Pangulo pa si Noynoy. Iyon bang hinostage ng suspendidong opisyal ng pulis na mga batang Tsinoy sa isang bus na maghahatid sana sa kanilang paaralan. Armado ng mataas na kalibre ng baril, inatasan niya ang driver ng bus na dalhin ito sa harap ng Quirino Grandstand. Pagkatapos niyang ipaparada ang bus, dito niya ipinaabot ang kanyang hinaing. Walong bata ang pinatay ng pulis bago siya tuluyang napatay ng kapwa niya pulis.
Tulad ng Mamasapano massacre, pumalya ang operasyon sa Quirino Grandstand massacre. Umaga pa lamang nagsimula na ang negosasyon para mapasuko ang nang-hostage na pulis. Sa panahong ng negosasyon, si Pangulong Noynoy ay nasa gusali malapit lang sa lugar ng insidente kung saan minomonitor niya ang pangyayari. Hindi niya pinagkatiwalaang mangasiwa sa sitwasyon si dating DILG Secretary Robredo na ang kanyang katangiang mahinahon at mapagkumbaba ay kayang unawain ang kalagayan ng hostage-taker. Puwede niyang pagtiyagaan ito hanggang sa ito ay mapahinahon niya. Ang pinagkatiwalaan niya ay ang mga taong may kainitan ang ulo kaya nagtapos ang hostage-taking sa malagim na massacre.
Sa imbestigasyon ng senado nitong Lunes, lumabas na sa “Operasyon Exodus” ang textmate pala ng Pangulo ay ang kanyang kaibigan at kabarilan na si PNP Chief Alan Purisima. Si Purisima ang nagbibigay ng impormasyon sa Pangulo sa pamamagitan ng text. Umaga pa lang ng Enero 25, ipinaalam na ni Purisima sa Pangulo na nadale na ng SAF si Marwan. Subalit nang siya ay mag-text muli sa Pangulo ay ipinaalam na niya na napasabak na ng labanan ang SAF at mayroon nang namatay. Inatasan siya ng Pangulo na humingi na ng mechanized at artillery support sa mga sundalong na nasa lugar na iyon. Ang sagot niya sa Pangulo ay ginawa na niya, pero hindi pala. Suspendido na noon si Purisima, pero sa kanya pa nakikipag-ugnayan ang Pangulo. Dahil nga dito, siya pa rin ang sinunod ni SAF commander Napeñas sa buong operasyon. Kaya, pareho ang bunga ng nangyari sa Mamasapano at Quirino Grandstand: massacre.