TARLAC CITY– Bumulusok si Rustom Lim ng PSC-PhilCycling Development Team sa huling 200 metro upang angkinin ang pinakamahabang yugto na 199km Stage 4 kahapon sa pagpapatuloy ng Ronda Plipinas 2015 na inihahatid ng LBC na nagsimula sa Malolos Bulacan Provincial Capitol at nagtapos sa Tarlac Provincial Capitol.
“Bumanat po si Mark (Galedo) sa last kilometer, sumunod lang po ako tapos inabot ko siya sa last 200 meter kaya naagaw ko po ang Stage victory,” masayang sinabi ng 21-anyos na si Lim, naging bronze medalist noong 2011 Asian Cycling Championships sa road race at maraming podium finish noong 2014 International edition ng Ronda Pilipinas.
Nanatili muna sa malaking grupo ang laking Guimba, Nueva Ecija na si Lim bago itinala ang kabuuang 4 oras, 43 minuto at 41 segundo sa matinding hatawan sa finish line tungo sa una nitong panalo at iniangat ang kanyang dating kinalalagyan sa ika-17 puwesto sa overall classification matapos mapag-iwanan ng 22:21 minuto.
Pumangalawa si John Paul Morales at pumangatlo si George Oconer (4:43:43) habang magkakasabay sina Mark Julius Bonzo, Jerry Aquino Jr., Tots Oledan, Mark Lexer Galedo at Dominic Perez (4:43:46). Ikasiyam at ikasampu naman sina Ronnel Hualda at Randy Olog (4:43:49).
Napanatili naman ni Santy Barnachea ng Philippine Navy ang pagkapit sa overall leadership matapos na kumapit lamang sa malaking grupo tungo sa isinumiteng oras na 14:21:01 habang nakalapit ng bahagya ang kasunod nitong si Oconer na may 14:28:38. Nanatili naman sa ikatlo si Cris Joven (13:28:20).
“Mabigat po ang labanan dahil pinoprotektahan nila si Santy. Lahat po ng Navy ay bumabanat at gumagana para habulin ang mga gustong kumawala. Kami din naman ay pinoproteksiyunan ang leader namin na si George (Oconer) na nasa ikalawang puwesto,” pahayag pa ni Lim.
Unang nagpilit kumalawa ang miyembro rin ng PSC-PhilCycling na si John Renee Mier na bitbit ang Cebu-VMobile sa huling akyatin subalit madali lamang itong inabutan ng buong grupo.
Ang Ronda Pilipinas 2015 na inihahatid ng LBC ay suportado ng major sponsor na Manny V. Pangilinan Sports Foundation, Petron at Mitsubishi at maging ang minor sponsor na Cannondale, Standard Insurance, Tech1Corp., Maynilad at NLEX at sanctioned ng PhilCycling sa pamumuno ni Cavite Congressman Abraham “Bambol” Tolentino. Ang TV5 at Sports Radio ang tumatayong media partners.
Isasagawa naman ngayon ang 138.9 km Stage 5 na halos kapatagan lamang na magsisimula sa Tarlac Provincial Capitol patungo sa Dagupan City Plaza na susundan ng kinukonsiderang krusyal na Stage 6 na 152km na magsisimula sa Dagupan City Hall at dadaan sa Naguilian Road paakyat sa Burnham Park sa Baguio City.
Mula sa kabuuang 102 ay may natitira na lamang na 78 siklista na kasapi ng Cycle Line Butuan, 7-11 ByRoad Bike Philippines, Philippine Navy Standard Insurance, PSC-Philcycling, Philippine Army, Cebu-V Mobile, Team Negros, Northern Luzon, N-C-R, Mindanao at ang composite team na binubuo ng mga dayuhang siklista.
Ang pinakahuling umayaw ay si Christian Carbonita ng Cebu-VMobile sa Stage 4 upang mapabilang sa hindi nakatapos sa Stage 3, ang nagtatanggol na kampeon na si Reimon Lapaza, Lunaboy Flores, Angel De Julian Vasquez, Resty Servito at si Rasmus Correll Roesgarth.
Kabilang sa 11 koponan na may siyam na riders ay ang Under 19 na binuo para sanayin at ihanda sa darating na 28th Southeast Asian Games sa Singapore sa Hunyo 5 hanggang 16.