Naghain ng resolusyon si dating Justice secretary at ngayon ay kinatawan sa Kongreso ng 1-BAP Party-list na si Rep. Silvestre “Bebot” Bello III para himukin ang Sandiganbayan na maggawad ng house arrest sa dati niyang boss na si dating Pangulo, Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo “for humanitarian considerations.”
Ayon sa House Resolution No. 1908, hiniling ng party-list lawmaker sa 290-miyembro ng mababang kapulungan na magkaroon ng “united plea” sa anti-graft court upang pahintulutan ang dating Pangulo na manatili na lang sa bahay nito sa La Vista Subdivision sa Quezon City, at idinahilan ang “deteriorating” at “fragile” na kondisyong medikal ni Arroyo.
“Former President Arroyo only remains charged of certain offenses for which her culpability has not been determined nor has she been convicted of those charges. While, her petition for bail remains to be heard or granted, her medical condition continues to deteriorate even while she remains innocent until proven otherwise,” saad ni Bello sa tatlong-pahinang resolusyon.
Sinabi ni Bello na simula nang makulong sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) noong Nobyembre 2012 dahil sa kinakaharap na plunder sa Sandiganbayan ay hindi na bumuti at lumala pa ang kalusugan ni Arroyo.
“Her response to pain medication has been diminished, and she continues to complain of moderate to severe pain in the lower back, neck and calf areas,” ani Bello.
Sinabi pa ni Bello na ang karagdagang limitasyon na ipinatupad ng Philippine National Police (PNP) laban sa dating Pangulo—gaya ng mas kakaunting pagbibilad sa araw, pagbabawal na dumalo sa misa sa VMMC Chapel, pinaikling oras ng pagbisita at pagbabawal na mag-overnight sa ospital ang pamilya ng kongresista—ay higit pang nagpalala sa kondisyong medikal ni Arroyo at “detrimental to her recuperation.”
Batay sa kanyang cervical x-ray na inilabas noong Hulyo 2014, sumailalim si Arroyo sa tatlong cervical spine surgery at dumaranas ng cervical spine radiculopathy at degenerative lumbar spine disease. - Charissa M. Luci