Ito ang huling bahagi. Gaya ng dati ko nang sinasabi, magkaugnay ang mga suliranin sa kahirapan at kawalan ng hanapbuhay. Malala man ang mga suliranin sa kahirapan at kawalan ng hanapbuhay, na matagal nang pinapasan ng maraming Pilipino, naniniwala akong malulunasan pa rin ang mga ito. Sa isang pahayag noong Enero 14, sinabi ng World Bank na ang mabilis na paglago ng ekonomiya na may kaakibat na paglikha ng trabaho ang lulutas sa kahirapan sa loob ng isang henerasyon. Mangyayari ito, ayon sa World Bank, kung magtutuluy-tuloy ang paglago ng ekonomiya ng 6 na porsyento bawat taon at ang kaakibat na pagbaba ng antas ng kahirapan.

Noong nakaraang taon, nagawang sumulong ng ekonomiya sa kabila ng mabagal na paggugol ng pamahalaan, dahil sa alab ng pribadong sector. Kinilala rin ito ng World Bank. Sang-ayon ako sa mungkahi ng World Bank na ngayon ang panahon upang isulong ang ekonomiya sa landas na magpapababa sa antas ng kahirapan at lilikha ng marami at mas mabuting trabaho. Patuloy na lumalaki ang remittances ng mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa, patuloy na lumalaki ang industriya ng business process outsourcing (BPO) at ang turismo. Ang mga ito naman ang nagpapalakas sa industriya ng pabahay at ng negosyong tingian. Idagdag pa rito ang paggugol na may kinalaman sa halalan sa 2016.

Para sa akin, ang bola ay nasa kamay ng pamahalaan. Naipakita na ng pribadong sector ang lakas nito sa pagtutulak sa ekonomiya noong isang taon, kaya panahon na para sa pamahalaan na gawin ang bahagi nito upang lalong mapabilis ang pag-unlad ng kabuhayan. Napakalaki ng magagawa ng pamahalaan. Bukod sa P2.6 trilyong budget nito para sa taong ito, may supplemental budget pa na nagkakahalaga ng P22.5 bilyon. Ang malaking bahagi ng mga pondong ito ay gugugulin sa imprastraktura, na ang kakulangan ay isang pangunahing balakid sa paglago ng ekonomiya. Bukod dito, bumibilis na rin ang pagpapatupad ng programang Public-Private Partnership (PPP). Ang PPP ay magkatuwang na isinasagawa ng pamahalaan at pribadong sektor. Sa aking pananaw, ang mas malawak na pagtutuwang ng dalawang panig – ang alab ng pribadong sektor at ang malakas na paggugol ng pamahalaan ang kailangan upang maging mabilis ang paglago ng ekonomiya sa mahabang panahon. Sa pamamagitan nito, naniniwala ako na masusugpo ang kahirapan at kawalan ng hanapbuhay nang hindi kailangang maghintay ng isang henerasyon.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists