Binatikos ng mga mambabatas ang ilang opisyal ng gobyerno na nangangasiwa sa mass transit system sa bansa kasunod ng pagkakabunyag na may 600 metro ng ipapalit sa mga luma at sira nang riles ang nadiskubre sa depot ng Metro Rail Transit (MRT) sa Pasay City.

Hiniling ng mga miyembro ng House Committee on Metro Manila Development ang pagdalo ni Transportation and Communications Secretary Joseph Emilio Abaya sa mga susunod na pagdinig ng Kongreso kaugnay ng imbestigasyon sa kontrobersiya sa mga usapin sa kontrol at pagmamantine na nakaaapekto sa mass railway system.

Tinuligsa ng mga galit na kongresista si Abaya dahil sa patuloy na hindi pagharap ng kalihim sa mga pagdinig ng mababang kapulungan na nagsimula noon pang nakaraang taon, kaya naman iginigiit nila ngayon ang pagdalo ni Abaya sa susunod na hearing.

Sinabi ni Bayan Muna Party-list Rep. Neri Colmenares na bagamat kinakailangan nang palitan agad ang ilang bahagi ng riles, ang mga pampalit na maayos pa ang kondisyon ay nakatambak lang sa bodega ng MRT.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Sa congressional hearing na pinangunahan ni Quezon City Rep. Winston Castelo kamakailan, ibinunyag ni MRT General Manager Roman Buenafe na habang nag-iinspeksiyon sa depot ay natuklasan niya ang mga pamalit na riles na aabot sa 600 metro.

Inamin ni Buenafe na bagamat hindi sapat ang nasabing pamalit para sa bahagi ng riles na kinakailangang palitan, ang mga natuklasang replacements ay maaaring magamit para sa mga kinakailangan nang agad mapalitan.

“The discovery of the rail replacements only indicates the ineptness of government men running the system. They have put public safety in danger when there was enough they could do to diminish this,” sabi ni Colmenares.

Sisimulan nang ipatupad ng gobyerno ang P110-milyon rail replacement project at planong baguhin ang oras ng biyahe ng MRT tuwing Sabado at Linggo, batay sa panukala ng kalihim ng DoTC. (Ben Rosario)