Bilang tugon sa panahon ng Kuwaresma, hinikayat ng isang obispo ng Simbahang Katoliko na ang Yolanda survivors naman ang magbigay ng tulong sa iba.
Ayon kay Palo Archbishop John Du, ito na marahil ang tamang panahon para ibalik ng Yolanda survivors ang mga natanggap nilang tulong sa pamamagitan ng pagtulong din sa iba.
Sinabi ng arsobispo na maaari itong gawin ng Yolanda survivors sa pamamagitan ng Alay Kapwa Lenten collection.
Tiniyak naman ni Du na ang mga tulong na malilikom nila ay ipadadala nila sa Vatican.
Maaari rin umanong magbigay ng suporta sa Simbahan sa pamamagitan ng Caritas fund, kung saan mula rito ay ginagamit sa relief at rehabilitation projects para naman sa mga darating na kalamidad.
Kaugnay nito, pinaalalahanan din ni Du ang publiko sa pag-aayuno ngayong Lenten season.
Ang halaga aniyang matitipid mula rito ay maaaring gamitin sa pagtulong sa mga nangangailangan.