Isa sa mga pulis na dawit sa Maguindanao massacre ang nakararanas ng alta-presyon matapos umanong pagbantaan ng kapwa niya akusado sa multiple murder case.
Simula nang ilipat sa Quezon City Jail-Annex sa Camp Bagong Diwa, Taguig City, sinabi ni PO1 Pia Kamidon na lumala na ang kanyang kondisyon dahil sa pagtaas ng kanyang blood pressure bunsod ng pagbabanta ng isa pang suspek sa karumal-dumal na krimen na si Takpan Dilun.
Disyembre 21, 2014 nang isinugod si Kamidon sa infirmary ng QCJA dahil sa alta-presyon at nanatili sa ospital ng anim na araw.
Una nang inihayag ni Kamidon ang kanyang intensiyon na maging state witness sa kaso.
Sa tatlong-pahinang very urgent motion na inihain ni Atty. Jayson Jay Parra Ison, hiniling ng kampo ni Kamidon kay QC Regional Trial Court (RTC) Branch 221 Jocelyn Solis-Reyes na payagan siyang manatili sa ospital sa QCJA hanggang hindi nareresolba ng korte ang hiling niyang mailipat sa Philippine National Police-Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City.
Una nang ipinag-utos ni Reyes ang paglipat nina Kamidon at Dilun sa Camp Bagong Diwa matapos mawalan ng interes ang gobyerno na gamitin sila bilang prosecution witness.
Sa kanyang apela, sinabi ni Kamidon na malaki ang posibilidad na saktan siya ng kanyang kapwa-akusado dahil tumetestigo siya laban dito.
Kabilang si Kamidon sa mga akusado na pinayagan ng korte na makapagpiyansa ng P11.6 milyon subalit iginiit ng kampo ng dating pulis na wala siyang kakayahan na bayaran ang naturang halaga. - Chito Chavez