Iniulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na tumaas ng halos 62 porsiyento ang bilang ng mga kasong may kinalaman sa ilegal na droga na isinampa sa korte noong 2014 kumpara noong 2013.

Base sa consolidated report ng PDEA, iniulat ng ahensiya na umabot sa 17,074 na drug case ang inihain sa iba’t ibang korte sa bansa noong 2014 kumpara sa 10,502 noong 2013.

Simula nang itatag ang PDEA noong 2002 hanggang 2014, umabot na sa 106,092 ang kabuuang bilang ng mga kaso sa droga na naisampa sa mga korte, at 19,585 kaso o 18.46 na porsiyento mula sa kabuuang bilang ang nadesisyunan na ng hukuman.

Mula sa mga nadesisyunang kaso, 5,265 o 27 porsiyento ang may nasentensiyahan; 9,051 o 46 na porsiyento ang napawalang-sala ang mga suspek; at 5,269 o 27 porsiyento ang ibinasura ng korte.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ang natitirang bilang ng mga kasong naihain ay hindi pa nareresolba o nakabimbin pa rin sa mga korte, provisionally dismissed o inaamag na sa archive.

“I refused to get discouraged by the low conviction rate arising from these drug cases. It all boils down to the preparation and filing of air-tight drug cases complemented by the prioritization of court duties by PDEA operatives, chemists and witnesses, to guarantee the prosecution of arrested drug personalities,” pahayag ni PDEA Director General Arturo G. Cacdac, Jr.

Subalit iginiit ng PDEA chief na mayroon nang ikinasang mga internal support mechanism upang mapalakas ang kampanya ng ahensiya laban sa ilegal na droga tulad ng capability enhancement training upang makabuo ng “air tight case” ang kanyang mga tauhan laban sa mga gumagamit at nagtutulak ng mga ipinagbabawal na gamot. - Francis Wakefield