OLONGAPO CITY – Mariing sinabi kahapon ng kampo ng pinaslang na transgender na si Jeffrey “Jennifer” Laude na hindi sila makikipag-areglo para mapawalang-sala si US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton.
Sa arraignment ni Pemberton, 19, kahapon sa Olongapo City Hall of Justice, sinabi ni Atty. Harry Roque Jr. na sumisigaw ng hustisya ang mga kapatid ni Laude.
Hindi naghain ng plea si Pemberton para sa kasong murder, kaya naman si Judge Roline Ginez-Jabalde ang naghain ng “not guilty” plea para sa Amerikanong sundalo. Minarkahan din ang mga ebidensiya pagkatapos ng arraignment.
Ayon kay Roque, itinakda ni Jabalde sa Biyernes ang pretrial na rito ipiprisinta ang mga testigo ng magkabilang panig. Sa ikatlong linggo naman ng Marso, aniya, sisimulan ang paglilitis, na gagawin tuwing Lunes at Martes. - Jonas Reyes