“May the best man wins.”
Ito ang sagot ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim S. Henares nang usisain tungkol sa pinakaaabangang laban ni Sarangani Rep. Manny Pacquiao sa Amerikanong si Floyd Mayweather Jr.
Hindi tumugon si Henares nang tanungin kung sasapat ba ang kikitain ni Pacquiao mula sa tinaguriang “fight of the century” para mabayaran ang mga utang sa buwis ng kongresista.
Sa halip, sinabi ni Henares, “Pacquiao should spend wisely his hard-earned money to protect the interest of his children.”
“He should think first of his children’s future,” sabi ni Henares.
Sinabi ng BIR chief na maaaring madali para kay Pacquiao na mawala ang lahat ng yaman ng pamilya nito at magbalik sa dating simpleng pamumuhay, pero hindi ito uubra sa mga anak ng boksingero.
Aniya, naiwasan sana ni Pacquiao ang paglobo ng multi-bilyon pisong deficiency tax assessment kung hindi binalewala ng kongresista ang mga notice sa kanya ng BIR.
Una nang iginiit ni Pacquiao na ang deficiency tax assessment ng BIR sa kanya ay arbitrary at ilegal.
Saklaw ng tax liabilities ang $28-million kinita ni Pacquiao mula sa matatagumpay niyang pagdedepensa sa iba’t ibang boxing titles sa limang laban niya sa Amerika noong 2008 at 2009.
Ang utang ni Pacquiao sa buwis ay unang tinaya sa P2.2 bilyon, pero umabot na ito sa P4 bilyon nang isama ang 50 porsiyentong surcharge at 20 porsiyentong taunang interest.
Inaasahang kikita si Pacquiao ng $100 million mula sa $250 million prize sa ilalim ng 40-60 arrangement nila ni Mayweather.