Mga laro bukas: (Mall of Asia Arena)
10 a.m. – UST vs. NU (men)
2 p.m. – ADMU vs. AdU (men)
4 p.m. – UST vs. FEU (women)
Ganap na pinagbakasyon ng National University (NU) ang University of the Philippines (UP) sa pamamagitan ng 25-21, 25-16, 25-15 panalo sa pagtatapos ng eliminasyon ng UAAP Season 77 women’s volleyball noong Linggo ng hapon sa FilOil Flying V Arena sa San Juan.
Dahil sa kabiguan, nalaglag ang Lady Maroons sa kontensiyon para sa ikaapat at huling Final Four berth na naiwan na lamang sa University of Santo Tomas (UST) at Far Eastern University (FEU) na kapwa nagtapos na may barahang 6-8 (panalo- talo) sa hulihan ng pumangatlong Lady Bulldogs na may kartadang 8-6.
Nagsanib puwersa sina Jaja Santiago at Myla Pablo kung saan ay nagposte sila ng 29 puntos para sa naturang straight sets win, ang ikaanim sa siyam na mga laro ni coach Roger Gorayeb magmula nang hawakan niya ang koponan noong nakaraang buwan.
Nakatakdang paglabanan ng Tigresses at ng Lady Tamaraws ang huling Final Four spot sa isang knockout match bukas sa Mall of Asia Arena sa ganap na alas-4:00 ng hapon.
Ang mananalo sa dalawang koponan ang sasampa sa stepladder semis kontra sa Lady Bulldogs kung saan ang magwawagi ang haharap sa second seed na De La Salle University (DLSU) na may bentaheng twice-to-beat para sa karapatang makatunggali ang outright finalist at defending champion na Ateneo na una nang umusad sa bisa ng double-round eliminations sweep.
“We will treat every game from now on a championship game. One miss you die, kaya inumpisahan namin dito,” ani Gorayeb, ang nasa likod ng pag-angat ng Lady Eagles sa torneo matapos nitong iniwanan ang koponan noong 2013.