Mga laro ngayon: (Cuneta Astrodome)

4:15 pm Alaska vs. Barako Bull

7 pm NLEX vs. San Miguel Beer

Maipagpatuloy ang nasimulang pagbangon at hangad na unang back-to- back win ngayong conference ang tatangkain ng Philippine Cup champion na San Miguel Beer sa pagsabak sa NLEX ngayong gabi sa 2015 PBA Commissioner’s Cup.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Magtutuos ang Beermen at ang Road Warriors sa ganap na alas-7:00 ng gabi matapos ang unang salpukan sa pagitan ng Alaska at ng dating namumunong Barako Bull sa ganap na alas -4:15 ng hapon.

Makaraang dumanas ng apat na sunod na kabiguan, nagawa ring makabasag sa win column ang Beermen nang talunin nila ang dating undefeated na Meralco,102-86, sa nakaraan nilang laban sa Cagayan de Oro City noong Sabado.

Sa pangunguna ng ikatlo nilang import sa conference na ito na si Arizona Reid na nagposte ng 29 puntos at ni reigning MVP Junemar Fajardo na umiskor ng 21 puntos at 22 rebounds, nakuhang makabangon ng Beermen at pumasok sa winner’s circle kung saan nakisalo sila sa kanilang katunggali sa ikawalong puwesto.

Bago ang paghihiwalay ng landas ng Road Warriors at Beermen, mag-uunahan namang makabalik sa winning track ang Aces at ang Energy Cola sa pagtutuos nila ngayong hapon.

Target ng Aces, sa pamumuno ni import CJ Covington, ang mahalagang panalo habang hangad naman ng Energy Cola na makabangon matapos ang dalawang dikit nilang pagkakasadsad, ang pinakahuli ay sa kamay ng Globalport Batang Pier noong Miyerkules, 81-99, makaraan ang unang apat na dikit na tagumpay.

Inaasahan na mangunguna para sa koponan ang kanilang Nigerian import na si Solomon Alabi katulong ang local standouts na sina JC Intal, Chico Lanete at RR Garcia.