Tatlong traffic constable ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang nasibak sa trabaho dahil sa extortion, grave misconduct, at gross neglect of duty habang 23 iba pa ang sinuspinde dahil sa pagkakasangkot sa ilang anomalya.
Ipinag-utos ni MMDA Chairman Francis Tolentino ang pagsibak sa tungkulin sa tatlong traffic constable na hindi na pinangalanan ng ahensiya.
“Magsilbi sana itong warning sa lahat ng pasaway na empleyao. Patuloy naming aalisin ang mga bugok na itlog sa ahensiya,” ani Tolentino.
Dalawampu’t tatlo namang kawani ng MMDA ang nahaharap sa mga kasong administratibo dahil sa pagkakasangkot umano sa pangingikil, kuwestiyonableng pag-iisyu ng violation receipts, at iba pang paglabag.
Lahat sila ay isinailalim sa suspensiyon ng 15-90 araw.
Samantala, 50 iba pa ang inisyuhan ng reprimand sa kaparehong mga paglabag. Sa nasabing bilang, tatlo ang kinasuhan.
“Hinihimok ko ang publiko na patuloy na maging mapagmatyag at i-report sa MMDA ang anumang ilegal na aktibidad na kinasasangkutan ng aming mga empleyado, gayundin ay kilalanin at maparangalan ang mga tapat at masisipag na kawani,” ani Tolentino.