NASA tatlong showbiz events kami nitong nagdaang weekend at iisa ang topic ng usapan, si Xian Lim.
Samu’t saring reaksiyon ang narinig namin sa mga katoto at ilang talent managers at naiintindihan nila kung saan nanggagaling si Xian Lim.
Tsika ng kilalang male talent manager, “‘Kamalas naman ni Xian Lim, si Governor Joey Salceda pa ang nakabangga niya, eh, hindi talaga siya tatantanan nu’n, malakas sa tao ‘yun. Saka tatakbo sigurong senador ‘yun, eh, di nasilip niya ngayon si Xian Lim. Nagkaroon pa tuloy ng free publicity.”
Marami nga ang nagsasabi, nakahanap ng katapat ngayon ang aktor.
Hirit naman ng isang female talent manager, “If I were Xian Lim, don’t accept ‘rakets’ na lang on a Chinese New Year kasi parang hindi maganda for him, mag-stay na lang siya sa bahay niya, tutal he has a very big and nice house, doon na lang siya magpa-party.”
In fairness, may sikat na mga personalidad namang nagtanggol kay Xian.
“Naniniwala ako na hindi lang sila nagkaintindihan nu’ng staff ni Governor Joey, alam mo naman si Xian baka hindi lang naipaliwanag sa kanya masyado, siguro maraming tao, hindi niya narinig. Minsan kasi, di ba, kapag pumupunta tayo sa probinsiya, maraming tao sa paligid, maraming nagpapa-picture habang kausap ka nu’ng taong in-charge sa pagdating mo, so hindi mo masyado naiintindihan kasi ang focus mo sa tao. Feeling ko ganu’n lang naman,” sabi ng isang road manager.
Kuwento naman ng mga nakakasama ni Xian sa out of town/country shows, “Alam mo, okay si Xian, lagi lang talagang misunderstood. Kami rin nu’ng una nagka-clash kasi nga diretso magsalita, minsan wala lang sa kanya, dapat ipaliwanag mong mabuti.”
Parang gusto naming maniwalang baka nga mahina ang pick-up ni Xian, kasi minsan sa mga interview o presscon kapag may tanong sa kanya ay matagal bago siya makasagot at kung minsan naman ay ipinauulit pa niya.
At dito naman humirit ang isa pang talent manager na money-maker ang halos lahat ng mga alaga.
“The artists should be briefed before he arrives at a certain venue, SOP (standard operating procedure) na ‘yun. At dapat alam ng artista kung anong purpose ng pagpunta niya sa isang lugar.
“Ako kasi lahat ng handlers or road managers ko, alam na nila ang gagawin nila kapag may mga shows o lakad sila, even sa TV guestings, dapat mag-set ka ng rules kung ano ‘yung puwede at hindi puwedeng gawin para klaro rin naman sa part ng promoter or producer para iwas isyu o gulo. Sa case ni Xian, feeling ko nga, hindi nagkaintindihan kasi dumiretso sa kanya.”
Halos lahat ay may punto, ang iisang tanong ng bayan, paano mahihilot ni Xian Lim ang galit ng mga taga-Albay? Teka, di ba, Bicolano rin ang daddy ng aktor na matagal na niyang hindi nakikita?