Rorolyo naman ang pinakamalaking volleyball action sa scenic province ng Quezon na siyang unang iaalay ng Philippine Superliga’s Spike on Tour sa taon na ito.
Inaasahang pangungunahan ni Quezon Province Gov. David “Jay-Jay” Suarez ang kanyang constituents sa pagsalubong sa apat na koponan sa women’s division na sasabak sa ilang pares ng laro sa PSL All-Filipino Conference bago ang isa pang sellout crowd na inaasahang itatakda sa ikatlong linggo ng Abril sa Quezon Convention Center.
Maliban sa mga laro, inilinya rin ng organizers ang ilang side events na kahalintulad ng mall tour, meet and greet, outreach program, volleyball clinic, press conference, motorcade, fellowship night at ang men’s exhibition match kung saan ay magkakaroon ng tsansa ang pinakamahuhusay na spikers sa probinsiya na makasama ang kasalukuyang mga batikang Superliga player.
“This is the first time for us to host an event like this and we couldn’t wait to open our doors for the Superliga,” pagmamalaki ni Suarez matapos na lagdaan kamakailan ang Memorandum of Agreement.
“Bringing Superliga in our province is in line with our sports development program. Our province is already buzzing with excitement. We are all looking forward to an action-packed weekend.”
Sinabi ni PSL president Ramon “Tats” Suzara na ang event ay lalo pang magpapalakas sa sports development program ng Quezon Province at dalhin ang premier inter-club volleyball league sa bansa palapit sa volleyball fans, partikular na sa Southern Tagalog region.
“We’re trying to reach out to as many fans as possible,” giit ni Suzara. “That’s why we’re making sure that we hold Spike on Tour in places with vibrant sports program like Quezon Province.”
Dumalo rin sa lagdaan si Sports Core chairman Ariel Paredes, Quezon Province sports director Jonas Guiao at executive assistant Webster Letargo.
Ito ang ikalimang installment ng Superliga’s Spike on Tour series makaraan sa Cebu, Ilocos Sur, Muntinlupa City at Binan, Laguna.
Ang liga ay nakatakdang humataw sa kanilang brand-new season na kaakibat ang taunang rookie draft sa Marso 11. Itinakda ang opening sa Marso 21.