Personal na isinumite ng nagbitiw na hepe ng Philippine National Police (PNP) na si Director General Alan LM Purisima ang kanyang affidavit sa Board of Inquiry (BoI) na nagdedetalye sa naging papel niya sa madugong operasyon sa Mamasapano, Maguindanao, na 44 na police commando ang napatay.
“Personal niyang isinumite ang kanyang affidavit,” pahayag ni Director Benjamin Magalong, chairman ng BoI at kasalukuyang hepe ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Tulad ng ibang affidavit, sinabi ni Magalong na isasalang ang salaysay ni Purisima sa review and assessment ng Operational Audit Team ng BoI.
Inaasahang magbibigay-linaw ang mga pahayag ni Purisima sa intelligence gathering operation laban sa Malaysian bomb expert na si Zukifli Bin Hir, alyas “Marwan,” simula nang planuhin ito hanggang sa sumalakay ang PNP-SAF.
Dahil dito, tatlong pulis na lang ang hinihintay ng BoI na makumpleto at lagdaan ang kani-kanilang affidavit kasama ang iba pang taga-PNP-SAF na nakibahagi sa Mamasapano operation noong Enero 25.
Bukod sa mga affidavit at testimonya ng mahigit 400 testigo, sinabi ni Magalong na balak din ng BoI na magtungo sa lugar ng pinangyarihan ng madugong sagupaan sa Mamasapano, Maguindanao upang makakalap pa ng karagdagang salaysay mula sa iba pang nakasaksi sa insidente, kabilang ang mga tauhan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
“To enable a clearer picture of the actual events and to validate the claims, assertions and allegations regarding the incident, the BoI and OAT will be in Maguindanao from February 24 to 26, to conduct anon-site survey and to interview key personalities of the AFP (Armed Forces of the Philippines) and MILF,” ani Magalong.
Kukunan din ng salaysay ng BoI sina Deputy Director General Leonardo Espina, PNP officer-in-charge; at AFP Chief of Staff Gen. Gregorio Pio Catapang upang magbigay-linaw sa insidente. - Aaron Recuenco