Sinulat at mga larawang kuha ni LIEZLE BASA IÑIGO
CALASIAO, PANGASINAN – Ang isang maliit pero produktibong industriya ay hindi lang trabaho ang maibibigay kundi maaari ring idebelop bilang bahagi ng turismo ng isang bayan. Tulad ng produksiyon ng itak sa bayang ito na unti-unti nang nakikilala sa buong kapuluan.
Ang pagpapanday o manu-manong sinaunang paggawa ng itak ay hindi madaling trabaho dahil may mga panganib na dulot ito.
Subalit sa Barangay Gabon, Calasiao, naging kabuhayan na ito ng mga residente na kung tawagin ang kanilang sitio ay Pandayan.
Pangalawa ito sa pangunahing produkto ng bayan, una ang kinikilalang white gold o ang puto ng Calasaio.
Sa mithiin na maitaguyod ang kabuhayan ng mga residente ay nabuo ang Aliguas Blacksmith Workers Association, samahan ng mga panday na binubuo ng 83 miyembro, na nairehistro naman agad sa DOLE noong Setyembre 2011.
Nasusuplayan ng nasabing produkto ang ilang probinsiya ng Region 2 sa Cagayan, Bulacan sa Region III at maging ang ilang parte ng Mindanao at ang iba naman ay suplay sa lokal market ng Pangasinan.
Naging presidente si Joel Magalong ng asosasyon na ito at sa pagnanais ng grupo na mapalawig ang kanilang produksiyon at mas maging moderno ay humingi sila ng tulong sa DTI para makinabang sa Shared Service Facility.
Mabilis na tumugon ang DTI upang matulungan ang mga panday sa produksiyon at maitaas pa ang kalidad at maaaring mailuwas ng bansa.
“DTI in November 2013 initially granted P285,000.00 worth of improved tools and equipment that will be use by the craftsmen in Calasiao as Shared Service Facility,” pahayag ni Magalong.
Sinabi pa ni Magalong na kasabay ng tulong ng DTI ang inihahanda ng pamahalaang lokal ng Calasiao sa pamumuno ni Mayor Mark Roy Macanlalay na isang production center. Maglalaanan ng P1 million pondo ang local government unit para sa konstruksiyon ng production center sa Sitio Pandayan.
Umaaasa si Magalong na sa pamamagitan ng shared service facility at production center ay magkakaroon ng mas malaking production at income ang mga panday; mapatataas ang kalidad ng mga produkto para mabilis na maibenta at makalilikha ng 100 job opportunities.
“The Shared Service Facility (SSF) when fully established and operational, expected to help metalcrafts workers double bolos and knives production to 4,000 assorted pieces weekly. And projected total sales with the introduction of SSF will increase by P328,000.00 weekly,” pahayag pa ni Magalong.
Kung magpapatuloy sa paglago, maaari itong maging destinasyon ng field trips ng mga estudyante at maging tourist destination din.