BATANGAS – Pumalag ang alkalde ng Taysan, Batangas at mga kinatawan ng ilang pribadong kumpanya sa planong pagsasara sa mga tulay ng Calbang 2 sa Taysan at Maalas-as sa Rosario para sa pagsasaayos sa mga ito.

Sa hearing ng Committee on Transportation at Committee on Laws ng Sangguniang Panlalawigan, ipinaliwanag ni Nerio Ronquillo, provincial engineer, na sa kanilang pag-aaral ay marami na silang nakitang sira sa tulay at kinakailangan nang maipaayos ang mga ito.

Idinagdag pa ni Ronquillo na sa halip na 300 araw ang gugugulin sa paggawa ay tatapusin nila ito sa maghapong pagtatrabaho para mapadali ang pag-aayos sa mga tulay.

Naantala umano ang proyekto dahil sa paghihintay ng pondo mula sa Motor Vehicles Users Charge (MVUC).

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Mariin namang tinutulan ni Taysan Mayor Dondon Portugal ang panukala ni Ronquillo at sinabing matinding trapiko ang mararanasan ng kanyang mga kababayan kapag tuluyang isinara ang tulay.

Ayon sa panukalang ordinansa, magiging alternatibong daan ng magagaang na sasakyan mula sa Poblacion ng Taysan na patungong Rosario ang mga barangay ng Mabayabas, Tilambao, Bulihan, Cahogam, Lumbangan at Baybayin.

Ayon kay Portugal, makikitid ang nabanggit na mga kalsada kaya asahan na ang matinding trapiko sa Taysan.

“Maganda (ang proyekto), pero hindi timely, ano’ng gagawin n’yo sa aming bayan, papatayin n’yo nang isang taon?” ani Portugal. “Malaking dagok ito sa bayan ng Taysan.”

Umalma rin ang malalaking kumpanya ng truck dahil, batay sa panukala, padadaanin ang mga ito sa Bridge of Promise sa Batangas City na ayon sa kanila ay may umiiral na truck ban; maaari lang dumaan ang mga truck sa tulay mula 9:00 ng gabi hanggang 4:00 ng umaga.

Ipinatupad ang truck ban matapos masira ng bagyong ‘Glenda’ ang Calumpang Bridge.

Dahil dito, nagkaisa ang mga kumpanya ng truck na ipagpaliban muna ang pagsasara ng mga tulay habang hindi pa nakukumpuni ang Calumpang Bridge.

Ipinanukala ng mga kumpanya na pagtutulungan nilang kumpunihin at huwag tuluyang isara ang dalawang tulay upang pansamantalang madaanan habang hinihintay na maayos ang Calumpang Bridge.

Sinabi naman ni Ronquillo na dapat munang konsultahin ang mga Department of Public Works and Highways (DPWH) kung may lalabagin sakaling hindi matuloy ang naaprubahang proyekto.